Popular Culture - Lesson 1 PDF

Title Popular Culture - Lesson 1
Author Acer Mega
Course Bachelor of Science in Computer Science
Institution Polytechnic University of the Philippines
Pages 8
File Size 184.9 KB
File Type PDF
Total Downloads 269
Total Views 491

Summary

TOPIC 1: Ang Problemang tinatawag na"Kulturang Popular": pagsisipi sa kalikasan ngKulturang Popular (Weeks 2-3)PANGKALAHATANG-IDEYA / OVERVIEWSusuriin sa paksang ito ang kalikasan ng Kulturang Popular mula sa mga problemang umiinog dito dito ang pag-sagot sa tanong na kung ano ang Kultura?, ano ang ...


Description

TOPIC 1: Ang Problemang tinatawag na "Kulturang Popular": pagsisipi sa kalikasan ng Kulturang Popular (Weeks 2-3)

PANGKALAHATANG-IDEYA / OVERVIEW Susuriin sa paksang ito ang kalikasan ng Kulturang Popular mula sa mga problemang umiinog dito.Kasama dito ang pag-sagot sa tanong na kung ano ang Kultura?, ano ang Kulturang Popular? ano ang kaibahan ng Kulturang Popular sa Kulturang Katutubo at Kulturang Masa?

LAYUNIN: Sa pagtatapos ng araling ito, magagawa na ng mag-aaral ang: 1. Maipaliwanag ang mga salik na makapagsasabing Popular ang isang Kultura 2. Matalakay ang pangkalahatang motibasyon sa pag-bubuo / pagmementina ng Kulturang Popular 3. Maihambing at maipag-iba ang Kulturang Popular sa Kulturang Katutubo at Kulturang Masa. 4. Mabigyang paliwanag ang isang halimbawa ng Kulturang Popular mula sa mga pangkalahatang salik na napag-usapan sa pamamagitan ng isang expositoryong sanaysay.

MGA PILING USAPIN AT MGA GABAY NA TANONG: •

• •



Kultura at Kulturang Popular o Ano ang Kultura? o Paano naitaingi ang Kulturang Popular sa Kultura? Ang Kalikasan ng Kulturang Popular o Pa’no masasabi na “Popular” ang isang Kultura? o Bakit nabubuo ang Kulturang Popular? Paghahambing sa mga anyo ng kultura: o Ano ang ipinag-kaiba ng Kulturang Popular sa …  …Kulturang Katutubo?  …Kulturang Masa? Ang anyo ng Kulturang Popular o Ano-ano ang mga halimbawa ng Kulturang Popular sa Pilipinas? o Paano ito naging popular?

7

TALAKAYAN: I. Kultura at Kulturang Popular Ang usapin ng kultura ay isang masalimuot na usapin dahil mismo sa pagiging palasak nito bilang konsepto. Madalas na padalos-dalos ang pag-gamit ng salitang ito sa makabagong panahon, mapa-Pilipino o banyaga. Makikita ang padalos-dalos na paggamit ng salitang ito sa mga pangangatuwirang nagmumula sa mga pag-aakalang may unibersal na kalidad ang paguugali o gawi ng isang partikular na lahi o lupon ng tao. Masalimuot na usapin ang kultura dahil madalas ang pagbanggit nito ay hindi pinag-iisipan. Kung uugatin ang pinagmulan ng salita, di rin naman nalalayo sa suliraning nabanggit ko sa taas ang suliranin ng salitang kultura mula mismo sa kasaysayan nito. Mula sa mga naunang paggamit nito sa ika-15 siglo, na-sipat ng mag-aaral ng kultura na si Raymond Williams ang pabago-bagong gamit ng salitang ugat nito sa latin na Colere: mula sa pananahanan (colonus; inhabit), paglilinang (cultura; cultivate), pagtatanggol (protect), at pagsamba (cultus; honour with worship).1 Malaon ang pagtatalakay ni Williams tungkol sa pag-uugat na ito, ngunit kapansinpansin ang pag-uugnay ng salitang kultura (culture) ayon sa mga nabanggit sa taas sa gawaing tumutukoy sa pag-bubuo ng sibilisasyon (civilization). Maaari din natin itong makita sa pormal / akademikong salita para sa kultura sa Filipino: ang salitang kalinangan ay parehong tumutukoy sa kultura at sibilisasyon. Sa pag-susuma ng pag-ugat ni Williams, tinukoy niya ang tatlong uri ng paggamit ng salitang kultura: 1. Una, bilang bukod-tangi at basal na pangngalan na tumutukoy sa isang pangkalahatang proseso ng intelektwal, ispiritwal at astetikong pag-sulong (mula sa pagusad ng kahulugan ng salita sa ika18 na siglo) 2. Bilang isang bukod-tanging pangngalan, na maaaring pangkalahatan o tiyak, na tumutukoy sa isang partikular na pamumuhay ng mga tao, o sa isang panahon, isang pangkat o sa sangkatauhan. (mula sa mga depinisyon nila Johan Gottfried von Herder (1784-91) at ni G.F. Klemm (1843-52) 3. Huli, ang modernong paggamit sa salita bilang isang bukod-tangi at basal na pangngalan na partikular na naglalarawan ng mga gawa at gawi ng intelektwal at, lalo, ng masining na pag-gawa.2 Sa paglaon ng panahon, matutukoy ang paggamit ng salitang kultura na may poot (hostility) sa pagbabanggit. Mas malaon itong tila negatibong konotasyon patungkol sa kultura sa laylayan ng ika-19 at maagang bahagi ng ika-20 siglo. May laganap na pagkamuhi sa ideya ng “kultura” na may pagtingin na mababa pabor sa kung ano mang tinitignang kaalamang mas higit ang halaga kaysa sa mga “kultural” na kaalaman. Madalas naihahambing ang kultural na kaalaman sa intelektuwalisadong kaalaman, delicadeza o sa paghahambing sa pagitan ng “high” art at ng popular na sining at aliwan.3 Kung susumahin, umuugat ang mga positibo at negatibong pakiwari tungkol sa kultura sa usapin ng access sa ilang mga partikular na bagay o gawain. Ang access na ito ay nakasalalay 1

Raymond Williams. Keywords, 49. Williams, Keywords, 51. 3 Williams, Keywords, 54. 2

8

sa uring panlipunan (social class) na pinanggagalingan ng a-access sa mga ito. Madaling tukuyin kung ano ang “high” culture sa kulturang popular batay sa mga tumatamasa dito. Hindi ibig sabihin na ang mayayaman lang ang nakatatamasa ng high culture at ang mga abang uri lang ang nakatatamasa ng kulturang popular. Isa lang doon ang totoo at mas masalimuot ang katotohanan: totoo, na ang mga abang uri ay nakatatamasa ng kulturang popular at kadalasan, sa kontemporaryong panahon, ay iyon lamang ang ang natatamasa niya (bukod pa sa ibang lokal na ritwal o mga gawi mula sa mga katutubong kultura); ngunit ang mga nakaangat na uri ay natatamasa ang lahat ng ito kung nanaisin niya. Dahil sa labis na access na ito ng mga nakaangat na uri sa iba ibang uri ng kultura kaya nya naipagkukumpara, at ang resulta, ay di lamang ang nabanggit nang pagkamuhi sa popular na kultura, kundi dumudugtong ito maka-uring karahasan mula sa mga nakaaangat na uri laban sa mga abang uri sa aspeto ng kultura. Sinalaysay ng manunulat na si Jose F. Lacaba ang penomenang ito sa manipestasyon ng kulturang popular sa konsepto ng “bakya.” Tulad ng pagtutunggaling nabanggit sa itaas, tinukoy ni Lacaba ang pag-gamit ng salitang “bakya” sa pagtutuya ng uri ng “kulturang” tinatangkilik ng masang anak-pawis. Ani Lacaba: “Tinutukoy ng bakya ang puwang sa mga uring panlipunan sa Pilipinas…. Kadalasan nga na ang mga maralitang nasa lungsod at kanayunan ang nagtatamasa, yumayakap, sumusuporta at umiidolo sa mga “bakyang” material. At ang mga mayayaman ang syang tumutuya, lumalait nang may matinding pangmamataas.” 4 Ngunit tulad ng nabanggit, nangyayari itong ganitong reaksyon ng mayayaman sa kulturang popular o sa “bakya” dahil sa labis nitong access sa kultura ay nakakaya rin nitong magsalita para sa tingin nyang “mas mainam” na kultura. Ngunit nanggagaling ang pangmamataas na ito hindi dahil sa kalidad ng kulturang tinatamasa at kinakatuwaan ng masa, kundi sa “likas” na ugnayan ng nakaaangat na uri sa abang uri sa panlipunang batayan.

II. Ang Kalikasan ng Kulturang Popular Paano nga ba nagiging popular ang kulturang popular? Maaaring ang kagyat na magiging sagot ay dahil lamang maraming tumatangkilik ito kaya ito popular. Ngunit ang katuwirang ito ay hindi sinasagot ang ugat ng nasabing kultura kundi nagpapaikot-ikot lamang ito sa parehong mapangmataas na paninisi ng nakaaangat na uri. Bilang aspeto ng lipunan, ang kulturang popular ay nililikha mismo ng mga istrukturang panlipunan. Para maging popular ang isang kultura, kailangan nito ng lunduyan (platform) para ma-popularisa ang isang bagay o gawi. Sa usapin ng bilang, may mga punto na maaaaring ikonsidera na “popular” ang mga katutubong kultura, pero ang kaibahan nito sa aktwal na kulturang popular ay ang katutubong kutlura ay may tinatanganan at maaari lamang dumaloy sa isang partikular lugar, panahon o grupo ng tao.

4

Jose F. Lacaba, Notes on the “Bakya”, 120.

9

Ang kulturang popular ay iba ng lunduyan kaysa sa katutubong kultura. Mediang pangmadla (mass media), ayon sa iskolar na si Rolando Tolentino, ang dahilan kung bakit nagiging popular ang kulturang popular. Ang media ang nagbibigay ng mga katangiang: “mass (pangmalawakan, lalo na sa hanay ng underclass), mediated (pinatagos at intervened ng media) at overdetermined (kay Althusser na konsepto ng interrogated ng mga aparato ng estado, kung saan ang media ay may malaking bahagi dito)” 5 Bilang plataporma at institusyong panlipunan, kasama sa napag-susumikapan ng mediang pangmadla na tanganin ang kahalagahan nito sa lipunan sa pagpapanatili ng tiwala ng masa at ng estado dito. Nakasalalay ang pagpopolarisa ng kultura sa mismong mekanismo ng mediang pangmadla. Una, nasa kalikasan ng mediang pang-madla ang paglalatag ng mga kaalaman at impormasyon sa mga channel ng komunikasyong pangmadla. Sa kasaysayan ng komunikasyong pangmadla, makikita ang epekto ng pabago bagong forma ng media sa pagpapalaganap ng kultura. Nakasalalay noon sa isang tao ang pagpapadaloy ng kultura at praktika. Ang mga tinatawag nating “katutubong kultura” o maging relihiyon, ay napalaganap una sa pamamagitan ng mga pari o ng mga namumuno ng kanya kanyang pangkat. Nangangailangan ito ng direktang interaksyon sa mga gusto nitong patungkulan. Para dito ang mga simbahan, mga pook-ritwalan, at kung ano pang uri ng tanggapan. Nang makabuo ang Europa ng sarili nitong bersyon ng limbagan (printing press) sa pinaka optimal na uri nito noong kalagitnaan ng ika-15 na siglo, malaki ang naging epekto nito sa pagtanggap, pagtangkilik at pagtugon ng tao sa kultura, at nagsimulang mag-sanga-sanga sa iba ibang uri ang kultura na hindi na lamang naiuugat sa mga tradisyon at ritwal, kundi maging pagpapakilala ng iba ibang uri ng bagay at gawi mula sa iba ibang lugar at panahon. Kaakibat ng pagpopularisa mismo ng nilimbag na babasahin bilang medium ang pagsulpot at paglaganap ng kapitalismo sa Europa. Mapapansin, sa puntong ito ng kasaysayan, ang popularisasyon ng mga sekular na kwento sa anyo ng mga nobela. Ang mga nobela ay sumisirkulo sa mga peryodiko o bilang tomo at isa sa mga naging popular na kalakal bilang libangan. Maaari na nating tukuyin ang pag-unlad nito sa mga sumunod na pag-unlad din sa mediang at komunikasyong pangmadla: pag-popularisa ng mga balada (ballad) at awit ng pagibig sa imbensyon ng ponograpo (phonograph), ang imbensyon ng pelikula mula sa pinag-halohalong teknolohiya ng potograpiya, phantasmagoria, at magic lantern, at ang pag-gamit ng mga radio waves upang pagdaluyan ng komunikasyon sa radyo at telebisyon. Mula sa katangiang ito – ang pagkandili (dependence) ng kulturang popular sa media – makikita ang kalikasan ng kulturang popular sa dalawang aspeto: • Namamagitan ang media sa pagpapalawig at pagpapakalat ng kulturang popular. Bilang epekto, ang kulturang popular ay may katangiang “mediated” o napamagitanan. Ibig sabihin, ang tumatangkilik sa kulturang popular ay palaging sa reproduksyon na nito bilang media objects naa-access ang kulturang popular. 5

Rolando Tolentino, Media and Popular Culture, iii.

10

• Ang kulturang popular ay may pumapagitnang kalakal sa pagitan ng magtatangkilik (o target audience/consumer) at ng mediang pangmadla. Sa makatuwid, nag-iiba iba lang ng antas ngunit ang kulturang popular ay komoditisado. Ang access sa kulturang popular sa gayon, ay nakasalalay sa kahandaan at kakayahan ng isang tao na makipagkalakalan para makilahok dito. Ang dalawang aspetong nabanggit – ang mediasyon at komoditisasyon – na kalikasan ng kulturang popular, ay hindi natatago sa atin, bagkus ay inihahapag sa atin ng lantaran ng media. Mas lantaran na ito sa kontemporaryong kulturang popular kung saan ang paghihikayat sa pakikipag-ugnay mismo sa mga personalidad sa media at mga artista ay dumudulo sa pagtangkilik sa kanila na ang kagyat na anyo ay pagbili ng mga produkto o serbisyong kanilang nilalako. Bukod pa ito sa pagbili pa natin mismo ng mga reproduksyon ng mga imahen, likhang sining, awitin at panitikan mula mismo sa kanila. Kung susuriin, ang hinuhulma ng media sa pamamagitan ng kulturang popular, ay ang pag-buo ng identidad ng gitnang-uring konsyumer, sa kapinsalaan ng pagkamamamayan (citizenship). Sa paglalawig ni Tolentino, ang usapin at identidad ng pagkamamamayan (citizenship) ay pumapailalim na lamang sa mas binibigyan ng importansyang identidad ng konsumerista. Ang mabuting mamamayan ay sa unang usapin, mabuting mamimili. Ang papel ng ganitong media ay para bigyan ng paglilimian at pagpipilian ang mamimili kundi man para makapamili ito o maging mulat man lamang sa aspirasyon ng posibilidad. Lumilikha ang media ng dating ng pag-asa para sa konsumerista—na kahit wala siyang kakayahang bumili ng pinakabagong modelo ng cellphone ay magiging mulat naman siya sa pamamagitan ng malawakang direkta at pisan na marketing sa kaalamang mayroon nang modelo at produktong hihigit pa bago pa man siya makabili ng kanyang maaabot-kaya. Ginagawang abot-tanaw ng media ang pangarap tungo sa posibilidad na akses sa komoditi. 6 Ang komoditi o kalakal sa usaping ito ay nakasandig sa partikular na konteksto ng makabago at huling yugto ng kapitalismo. Maaaring nangangalakal na ang mga sibilisasyon bago pa man ang kontemporaryong henerasyon at bago pa man ang kapitalismo, ngunit ang pag-buo ng Kulturang Popular, tulad nang nabanggit sa itaas, ay nakasalalay sa mediasyon ng pangmadlang media para sa tunguhin ng pag-tubo mula sa mga kalakal. Dito nagging mahalaga ang pagkakaiba ng Kulturang Popular sa Kulturang Katutubo at sa sinasabing Kulturang Masa.

III. Kaibahan ng Kulturang Popular sa Kulturang Katutubo at Kulturang Masa Ang kulturang katutubo ay kulturang nakabatay sa praktika ng isang katutubong grupo. Kaya ito nagiging kultura dahil sa pag-pasa ng praktika nito sa loob ng isang komunidad kung saan direktang nakikilahok ang mga kasapi nito. Isang halimbawa ng kulturang katutubo ay ang kultura ng mga lumad: ang mga lumad mula sa mga kanayunan ay direktang nakikilahok sa

6

Tolentino, Media and Popular Culture, iv.

11

produksyon at praktika ng kanilang kultura mula sa kultibasyon ng kanilang komunidad hanggang sa pag-papanatiling buhay nito. Malinaw ang kaibahan sa pagitan ng kulturang katutubo at kulturang popular: bilang consumer ng kulturang popular, wala kang direktang access sa produksyon nito at ang praktika ay limitado sa pinagitnaang (mediated) pagsasalin ng impormasyon. Sa kabilang banda, ang salitang “kulturang masa” ay salitang itinutunggali pa. Para sa mga naghaharing uri (tawagin nating “reaksyunaryong pagtingin”), ang kulturang popular ang kulturang masa. Ang progresibong pagtingin sa kulturang masa, ayon sa kritikong si Alice Guillermo, ay nakasalalay sa pagbuo at paglinang sa mga pagsisikap at ambag ng mga progresibong pwersa kasama at sa pamumuno ng ang batayang masa ng mga magsasaka at manggagawa.7 Ang kulturang masa ay tiyak na hindi kulturang popular: ani Guillermo, ang kulturang popular, o artificial/synthetic culture, ay binuo ng naghaharing uri upang panatilihing mangmang, ignorante at hindi malaya ang batayang masa. Ang kaibahan sa dalawang punto debista: sa reaksyunaryong pag-tingin, walang kaibahan ang kulturang popular ng kasalukuyan; sa progresibong pagtingin, ang kulturang masa ay binubuo pa lang at nagpapabago.

IV. Mga anyo ng Kulturang Popular Sa asignaturang ito, susubukan nating usisain ang kulturang popular batay sa mga manipestasyon nito. Una nating pag-aaralan ay ang pinaka-palasak at pinakahalatang manipestasyon ng kulturang popular: ang mga personalidad, mga artista at ang mga fans o mga tagahanga nila (Topic 3). Sa susunod na paksa ay mas lilinawin natin ang direkta at pinakahalatang interbensyon ng mediang pangmadla sa ating mga gawi at partisipasyon sa pakikipagkalakal / komoditisasyon sa pag-sisiyasat ng mga bagay mula sa TV, Radyo at Pelikula. Sa mga bagay na ito titignan natin kung papaaano ang mga ito ay nagtatangan din ng mga kaalaman na sumusuporta at positibong tumutugon sa mga pangangailangan at mga hinihingi (demand) ng isang kapitalistang lipunan. Titignan natin paano binubuo, mula sa mga kwento at naratibo, ang mga mitolohiyang bumabalot sa katauhan ng isang bituin (sa telebisyon man, pelikula o internet). Sa paksang ito sisiyasatin natin ang mga bituin, palabas at ugnayan ng mga tagahanga sa kanila bilang sangkap sa proseso at mismong produkto ng komoditisasyon. Kaliwaan ang prosesong ito: ang mga produkto ay nagiging producer din, na nagpapakilala ng mga abstraktong konsepto sa kanilang mga tagahanga na tatawagin nating ideolohiya. Mula dito ay sisiyasatin natin paano ang kulturang popular at ang mga produkto nito ay dumudulo sa pagpapanatili ng dominanteng kaayusang panlipunan, partikular ng paghahari ng kahalagahan sa pribadong pagmamay-ari. Ang ikalawang paksa sa mga manipestasyon ay ilalagak natin para sa ekstensibong paguusap tungkol sa globalisasyon at ang kontemporaryong kondisyon (Topic 4) kung saan nabubuo 7

Alice Guillermo, “Philippine Culture: Ideology and Transformation,” 37

12

ang kulturang popular na nasasaksihan natin ngayon. Mapaguusapan natin dito ang internet, social media, at ano ang mga naging epekto ng mga ito sa dynamiko ng kinagisnang kulturang popular na naka-sandig sa mga tinatawag na tradisyunal na media (TV, Imprenta, Pelikula). Ikatlong paksa ay ang mga subkultura (Topic 5). Titignan natin dito ang mga ideolohikal at praktikal na aspeto na humantong sa pagbubuo ng mga subkultural na komunidad. Makikita natin ang dalawang nagtutunggaling kalikasan nito: kung papaano naghahapag ng mga “alternatibong” kaisipan at praktika ang mga subcultural na komunidad, at kung papaanong maging ang mga tinuturing na “alternatibong” kultura ay di nakaaalis sa lohika ng dominanteng kaayusang panlipunan. Ang ika-apat na paksa sa mga manipestasyon ay ang kulturang popular na tumagos na sa pang-araw araw na pamumuhay. Partikular na mapaguusapan dito ang Basketball, Malling, Beauty Pageants at pagtatrabaho sa BPO. Tinitignan dito papaano ang ugnayan sa pagitan ng kapital, media at lipunan ay nakapag-huhulma ng ating mga pang-araw araw na Gawain. Sa mga pag-uusap na ito sa manipestasyon ng kulturang popular, una nating paguusapan ang anyo nito: una sa anyo ng komoditi, sa anyo ng praktika, o sa anyo ng consumer. Ang komoditi o kalakal ay bagay na kapakipakinabang sa pag-gawa man, sa sikmura o sa guni-guni. 8 Ang komoditi ay maituturing na komoditi kapag ito ay naipapalit sa iba pang komoditi, ibig sabihin, ito ay mayroong halaga na maipapalit din sa halaga, at ang halagang ito ay kadalasan nakabatay sa pakinabang nito sa tao. Ang proseso ng palitang ito ang dahilan kaya nagkakaroon ng Ang praktika ay mga gawi na malay na ginagawa ng tao upang matamo nito ang gusto nitong gawin. Ang praktika ay gawaing may layunin (purposeful) at naipapasa sa iba kapag nakikitaan ang kakayahan nitong makapag-bigay halaga sa isang bagay o gawain. Ang paggawa sa produksyon ay isa lamang sa mga uri ng praktika: kasama rin dito ang mga ritwal, mga pagaaral, at mga malikhaing gawain. 9 Ang consumer ang nagtatamasa ng kulturang popular. Madalas sa consumer nalalagom ang unang dalawang anyo: kinokonsumo nya ang komoditi at/o ginagawa nya ang praktika. Sa usapin ng kulturang popular, madalas ibinababa sa salitang “tagahanga” o fan ang consumer nalagom ng kulturang popular. Ang mga anyong ito, para maging tuluyan na sangkap ng kulturang popular, ay dumadaan sa isang pinagitnaan (mediated) o masasabi nating “mediatized” na proseso. Madalas ding nalalagom ng komoditi pareho ang praktika at ang consumer. Nagmumula sa paglalagom na ito ang kadalasang pagtuya sa kulturang popular bilang “komoditisado” pero ang pagtuyang ito ay hindi dahil sa operasyonal o obhektibong na pagpapalagay, kundi dahil sa isang moralistikong hinuha tungkol sa “komoditi” na nagmumula sa pagpapalagay na hiwalay ang pag-kamal ng tubo sa kultura. Sa praktika, lahat ng nalalahok at lumalahok sa kulturang popular, gaano man ka“popular” nito, ay nakasalalay at nakasandig sa proseso ng komoditisasyon. Ang kulturang popular ay ang pinaka palasak na anyo ng kapitalismo sa lipunan, ngunit ito (o ang proseso ng pagbubuo nito) ay isa sa pinaka-mahirap abutin ng masang dumadanas nito.

8 9

Karl Marx, Capital, 3. Mao, On Practice, 66.

13

TAKDANG ARALIN: Sumulat ng isang ekspositoryong sanaysay tungkol sa isang particular halimbawa o manipestasyon ng Kulturang Popular sa Pilipinas. (Minimum na salita: 500 words)

MGA MUNGKAHING BABASAHIN: Jose F. Lacaba. “Notes on the “Bakya”: Being an Apologia of Sorts for Filipino Masscult” from Rafael Ma. Guerrero (ed.) Readings in Philippine ...


Similar Free PDFs