Suri ng Pantayong Pananaw PDF

Title Suri ng Pantayong Pananaw
Course Bachelor of Arts in Filipinology
Institution Polytechnic University of the Philippines
Pages 3
File Size 74.9 KB
File Type PDF
Total Downloads 149
Total Views 250

Summary

Kundangan, Joy Mae M. Hulyo 29, 2019 ABF 1-Arawang Papel 1: Pantayong PananawSa matagal na panahon, ang kasaysayan, kultura at lipunan ng ating bansa ay pinag- aralan gamit ang perspektiba ng mga Kanluranin. Gayon pa man, ang mga unang mananalaysay ay mga kastila kaya itinala nila ang kanilang mga o...


Description

Kundangan, Joy Mae M. ABF 1-1

Hulyo 29, 2019

Arawang Papel 1: Pantayong Pananaw Sa matagal na panahon, ang kasaysayan, kultura at lipunan ng ating bansa ay pinagaralan gamit ang perspektiba ng mga Kanluranin. Gayon pa man, ang mga unang mananalaysay ay mga kastila kaya itinala nila ang kanilang mga obserbasyon gamit ang kanilang perspektiba bilang mga Kanluranin. Kahit na ang mga propagandista katulad nila Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar at Graciano Lopez-Jaena ay ipinagtanggol ang kasaysayan at kultura ng Pilipinas noong ika-19 na siglo, sila ay nakapaloob pa rin sa balangkas o ideya ng pananakop sa ating bansa kaya sila napilitan na gamitin ang wika ng mga mananakop at makipagtalo gamit ang pamantayan ng mga Kanluranin. Mayroong mga Pilipinong historyador na nagtaguyod ng isang nasyonalistang perspektiba sa pagsulat ng kasaysayan ng Pilipinas subalit karamihan sa kanila ay pinili pa ring magsulat gamit ang wikang Ingles. Dito maaaring mailapat ang kontribusyon ng Pantayong Pananaw, sa pagtaguyod ng paggamit ng wikang Filipino sa pagsulat ng kasaysayan at pag-unawa ng lipunan. Ayon sa Ama ng Pantayong Pananaw na si Dr. Zeus A. Salazar, ang buod ng Pantayong Pananaw ay nasa panloob na pagkakaugnay-ugnay at pag-uugnay ng mga katangian, halagahin, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan, kabuuang nababalot sa, at ipinahahayag sa pamamagitan ng isang wika. Ibig sabihin, sa loob ng nag-iisang talastasan o diskursong pangkalinangan o pangkabihasnan. Isang reyalidad ito sa loob ng alin mang grupong etnolingguwistikong kabuuan at kakanyahan, sa atin at sa ibang dako man ng mundo. Gayon, sa Pantayong Pananaw, ang isang Pilipino ay nakikipagusap sa kapwa niya Pilipino tungkol sa kanilang sariling mga karanasan bilang mga Pilipino, gamit ang Filipino bilang ang wika ng komunikasyon. Ito ay nagtataguyod ng ideya na ang pagpili ng wika ay malinaw na pahiwatig kung sino ang gustong makausap ng isang tao. Sa panahon ng pananakop ng Kastila, hindi maikakaila na mas binibigyang importansya ng mga kababayan natin ang imahe at pananaw sa kanila ng mga banyaga. Ako ay sumasang-ayon dito sa dahilan na ang mga Pilipino noon ay mahilig magpabilib sa ibang mga tao lalo na noong dumating ang mga banyaga. Kaya naging malabo ang balak ng Malakanyang sa pagkakaroon ng ensiklopedia sa parehong diwa gamit ang wikang Ingles sapagkat ang layunin nito ay hindi ang kalinangan ng mamamayang Pilipino para sa buong bansa, sa halip ay ang maipakita ang opinyon at pagkaunawa ng mga elite o akulturadong grupo ng mga tao ukol sa Pilipinas, para sa sarili nilang kasiyahan o ganansya at para pahangain o akitin ang mga banyaga. Hanggang ngayon ay pangangailangan pa rin na ipaliwanag at ipaintindi tayo at ang ating bayan sa mga banyaga, sa halip na unawain muna natin ang sarili nating

kalinangan at pagkakakilanlan. Para saan pa ang pagsulat ng ating kasaysayan kung iilan lamang ang mga makababasa at makauunawa nito? Dahil dito, nawawala ang saysay ng kasaysayan. Hindi nakatutulong ang kasaysayan sa pagkilala natin sa ating sariling pagkatao, kultura at lahing pinagmulan, bagkus ito lamang ay nakadaragdag sa ating mga agam-agam. Dahil sa kalituhan o kawalan ng kalinangan, mas nagiging malabnaw ang pagkakakilanlan natin sa ating mga sarili bilang mga Pilipino. "Kapag nawala na ang mga Kastila, sisikat muli ang kabihasnang Pilipino mula sa karimlang ikinasadlak nito, muling lalaganap ang kaliwanagan sa Pilipinas." Dahil sa ganitong pananaw at kaisipan ng mga propagandista, ako ay hindi naniniwala na bago dumating ang mga Kastila ay wala tayong kabihasnan. Sa katunayan, nabanggit ng isa kong propesor na mayroon ng kultura at pakikipagkalakalang umiiral noon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng ating bansa sa Tsina, Indotsina, Inda at iba pa. Karagdagan dito, nilait tayo ng mga Kastila na karimlan at kamangmangan lamang ang naratnan nila rito. Sibilisado na ang mga sinaunang Pilipino dahil kahit papaano mayroon tayong mga datu noon na namamahala sa atin. Wala man tayong sistema ng gobyerno, maayos ang takbo ng Pilipinas bago ang kolonisasyon sa maikling sabi. Sa aking pagsusuri, maaaring magkaroon ng tatlong kalakasan ang Pantayong Pananaw. Una, ito ay ang unang balangkas na nagtataguyod ng isang nasyonalistang perspektiba sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino bilang wika ng diskurso. Isinaad ni Salazar na ang sentralisadong Pantayong Pananaw ay hindi pa umiiral noong sinaunang panahon sa halip, ang mga etnolingguwistikong pangkat lamang ang may sariling Pantayong Pananaw. Hindi pa sila naaapektuhan ng kultura ng mga Kastila o kaya ng mala-Kastilang kultura ng mga elite. Kaya noong araw, pati ang kanilang relihiyon ay iisa o pareho silang nananalig sa anito, at sa mga mitolohikal na personahe na ang pinakasentral ay tinatawag nilang "Bathala". Sa kasalukuyang panahon, ang layunin ng Pantayong Pananaw ay magkaroon ang lahat ng etnolingguwistikong pangkat ng Pantayong Pananaw bilang batayan ng pambansang pagkakakilanlan at kamalayan. Ikalawa, sa pamamagitan ng Pantayong Pananaw maiuugnay nito ang agwat sa pagitan ng masa at elite, na tinawag ni Salazar bilang "great culture divide". Ipinapakita ng kasaysayan ng Pilipinas na ang nasabing dibisyon ay ginawang posible ng unti-unting pang-iimpluwensya ng mga mananakop sa ating kultura at lipunan. Bumuo ito ng agwat sa pagitan ng mga mayaman na nakapag-aral at ng mga mahirap na hindi nakapag-aral. Kaya ang pag-ugnayin ang nabuong agwat ng dalawa ang isa sa mga layunin ng Pantayong Pananaw, at sa ganitong kaso, ang mga elite ang inaasahang unang aabot sa kamay ng masa upang matulungan ito. Dahil dito, mabubuo ang konsepto ng bayan na magiging daan upang mapagtanto ng mga Pilipino ang pambansang pagkakaisa. Ikatlo, at huling kalakasan, may ilang mga perspektiba ang nagdomina sa ating pangkasaysayang diskurso ngunit hindi maikakaila na mas nangibabaw sa mga ito ang

perspektiba ng mga dayuhan sa ating kasaysayan gamit ang kani-kanilang mga wika. Kaya ang Pantayong Pananaw ay nagbibigay ng perspektibang bago at alternatibo na kung saan hindi na gamit ang pananaw o pagtingin ng mga dayuhan bagkus sa pamamagitan ng pagtataguyod ng paraang maka-Pilipino sa pag-aaral gamit ang sarili nating wika. Sa gayon ay mas mabibigyang-pansin ang pagpapahalaga sa ating kultura at kasaysayan gamit ang sarili nating pamantayan. Samakatuwid, kung tayo ay magtutulungan na buhayin ang kasaysayan sa pantayong pananaw at hindi pansilang pananaw ng mga taga-kanluran ay makakamit natin ang tunay na kasaysayan....


Similar Free PDFs