ADYENDA SA PANANALIKSIK SA GRAMAR NG FILIPINO PDF

Title ADYENDA SA PANANALIKSIK SA GRAMAR NG FILIPINO
Author Jennylyn Manangan
Pages 12
File Size 420.9 KB
File Type PDF
Total Downloads 122
Total Views 949

Summary

ADYENDA SA PANANALIKSIK SA GRAMAR NG FILIPINO Jonathan Malicsi, Propesor Emeritus sa Linggwistiks, UP Diliman Batay sa mga impormasyong nakalap ko sa mga mag-aarál at guro ng wika at Lingguwistiks, narito ang ilang mungkahi para sa pagsulong at pagpapaunlad sa pag-aaral ng gramar ng Filipino: 1. Al...


Description

Accelerat ing t he world's research.

ADYENDA SA PANANALIKSIK SA GRAMAR NG FILIPINO Jennylyn Manangan

Related papers

Download a PDF Pack of t he best relat ed papers 

ADYENDA SA PANANALIKSIK SA GRAMAR NG FILIPINO Jonathan Malicsi, Propesor Emeritus sa Linggwistiks, UP Diliman

Batay sa mga impormasyong nakalap ko sa mga mag-aarál at guro ng wika at Lingguwistiks, narito ang ilang mungkahi para sa pagsulong at pagpapaunlad sa pag-aaral ng gramar ng Filipino: 1. Alisin ang puwang sa pagitan ng gramar na deskriptibo at gramar na preskriptibo. Ang gramar na preskriptibo ang ginagamit sa pagtuturo ng wika o pag-eedit ng mga teksto. Marami dito ay nakasalalay pa rin sa tinatawag na tradisyonal na gramar na hango sa gramar ng Ingles na hango rin sa gramar ng Latin pero marami nang paliwanag sa deskriptibong gramar na mas makakatulong sa mas madali at wastong pagtuturo ng Filipino. Halimbawa, ang konsepto ng panahunan o "tense" ay dapat ng palitan ng "aspekto". Ang panahunan ay nakatuon sa panahon ng kaganapan kung kaya’t ang mga kategorya nito ay pangnakaraan, pangkasalukuyan, at panghinaharap. Ang aspekto ay nakatuon sa estado ng kaganapan kung kaya't ang mga kategorya nito ay perfektibo, imperfektibo, at kontemplatibo. Sa mga di-Tagalog na nagtuturo gamit ang konsepto ng panahunan, maaaring hindi nila masabi ang pangungusap na nag-aaral ako kahapon sa dahilang ang nag-aaral ay nasa panahunang pangkasalukuyan. Sa katunayan ang nag-aaral ay nasa aspektong imperfektibo, o patuloy na nangyayari at maaaring nasa panahong nakaraan, o sa kasalukuyan gaya ng nag-aaral ako ngayon. Ang salin ng nag-aaral sa Ingles ay maaaring past progressive na was studying o present progressive na am studying. Ang paghuhulapi ng -an/-han at -in/-hin ay ipinapaliwanag sa mga gramar na preskriptibo bilang mga allomorph ayon sa tunog—na ang -an at -in ay isinusunod sa katinig (kasama ang impit na hindi naman isinusulat), samantalang ang -han at -hin isinusunod sa patinig. Noong mga dekada 60, lumabas ang konsepto ng canonical form ng salitang ugat bilang CV(C)CVC, halimbawa, lakad at bagsak. Ayon dito, ang salitang walang nakasulat na huling katinig, tulad ng takbo, ay may canonical form na /takboh/. Ang huling /h/ ay hindi binibigkas kapag walang kasunod na tunog at binibigkas kapag may kasunod na patinig. Kung gayon, ang mga hulapi ay -an at -in lang. Pero ang paliwanag na ito ay hindi nasasakop ang mga salitang tulad ng tawanan at kayanin na may tunog na /n/ sa halip na /h/. Sa konsepto ng epenthesis madaling ipaliwanag ito bilang pagsingit ng /h/ sa pagitan ng -an o -in at sinusundang patinig sa karamihan ng salitang ugat, at ang pagsingit ng /n/ sa isang maliit na grupo ng pandiwang salitang ugat, tulad ng bahagi, bihasa, hangga, kabila, kaya, kilala, kuha, paa, sala, sampalataya, sarili, talo, tawa, tuto, at ulo. Ang paggamit ng pantukoy na ang hindi lamang sa unahan ng pangngalan (ang bahay) kundi pati na rin sa unahan ng pandiwa (ang nahalal), pang-uri (ang maginoo), at pariralang pang-ukol (ang para sa bakwit) ay kadalasang ipinapaliwanag bilang nominalisasyon ng pandiwa, pang-uri, o pariralang pangukol. Maaari rin itong ipaliwanag bilang resulta ng relatibisasyon ng panaguri, at ang pagtanggal ng simuno na hindi pinangalanan. Ganito ang proseso: S: nahalal ang N ⇒ NP: ang N na nahalal ⇒ NP: ang nahalal S: maginoo ang N ⇒ NP: ang N na maginoo ⇒ NP: ang maginoo

S: para sa bakwit ang N ⇒ NP: ang N na para sa bakwit ⇒ NP: ang para sa bakwit

Ang salitang ”nasa" ay itinuturing na pang-ukol o pandiwa o di-nababanghay na pandiwa na tumutukoy sa lunan. Ito ay dahil nakasanayan na nating makita ito bilang isang salita sa pagbaybay, pero kapag ang kasunod na pangngalan ay pangalan ng tao, maaaring lumabas ang baybay na na kay at na kina. Ganoon din sa pananong na na kanino. Sa simpleng pagdagdag ng negatibo makikitang ang na ay napapalitan ng wala, na nakahiwalay sa mga pariralang wala sa, wala kay, at wala kina. Kung gayon, maaari nating ituring ang katagang na bilang pandiwang lokatibo na walang banghay. 

Inihanda para sa Kongreso ng Wika 2018, 3 Agosto 2018.

Madalas na itinuturo ang mga pandiwang may at mayroon bilang baryasyon na katumbas ng existential na pariralang there is/are, o ng pandiwang have sa Ingles. Nakakalimutang ipakita na magkaiba ang istruktura ng pangungusap. Ang pandiwang may ay nasusundan ng pangngalan at pariralang nabuo ay ang buong panaguri, samantalang ang mayroon ay nasusundan ng morpermang ng at pangngalan kung saan ang mayroon ang panaguri. Isang madaling demonstrasyon nito ay ang pagsingit ng pananong na ba, na naisisingit sa pagitan ng panaguri at mga sumusunod na komplemento, halimbawa: may libro ang bata ⇒ may libro ba ang bata? mayroong libro ang bata ⇒ mayroon bang libro ang bata?

Pansinin na kapag demonstratibo ang isinunod sa mayroon, ang lumalabas ay nasa pormang ng: mayroon nito ang bata Pansinin din na kapag ginawang negatibo ang pangungusap, ang istruktura ng negatibo ay umaayon sa istruktura ng mayroon: may libro ang bata sa library ⇒ *wala libro ang bata sa library mayroong libro ang bata sa library ⇒ walang libro ang bata sa library

Makikitang kapag kinompleto ang mga komplemento ng may/mayroon, lalabas ang strukturang: may N1 + ang N2 + sa N3 mayroong N1 + ang N2 + sa N3 Kapag ang istruktura ay may/mayroon + N1 ang pangunusap ay existential. Kapag ang istruktura naman may/mayroong + N1 + N2 ang pangungusap ay possessive, at kapag ang istruktura ay may/mayroong + N1 + (N2) + N3 kung saan maaaring mayroon o walang N2 ang pangungusap ay locative. Kung gayon, masasabing ang pandiwang may/mayroon ay isang existential-possessive-locative o EPL na pandiwa. 2. Palawakin pa at palalimin ang pag-aaral ng gramar ng Filipino. Marami pang mga detalye ang gramar ng Filipino na masasabing kulang pa sa paglalahad at pagpapaliwanag. Isang napakalaking problema ang subcategorization ng mga pandiwa. Marami ng pananaliksik ang nailahad tungkol dito. Ang latest na saliksik dito sa aking pagkakaalam ay ang MA tesis ni Divine Endriga tungkol sa subcategorization ng 500 pandiwa, pero hindi pa rin ito sapat para makabuo ng maaaring tawaging mga conjugation set sa Filipino, tulad ng mga conjugation set sa mga iregular na pandiwa sa Ingles at sa Kastila. Kailangan sigurong gawan muna ng subcategorization ayon sa valence (o bilang at uri ng mga komplemento) at pagkatapos ay gumawa ng mas masinsin pang subcategorization sa bawat valence group ayon sa mga panlaping ginagamit. Ang kategoryang pang-abay ay kailangan ding ayusin dahil kadalasan ipinapasok lang dito ang morpema, salita, o parirala na hindi maipasok sa mga kategorya ng pangngalan, pang-uri, pandiwa, pangatnig, at pandamdam. Kasama na rin dito ang pagpapaliwanag kung ano ang kaibahan ng komplemento sa pariralang pang-ukol, dahil ang komplemento ay kasama sa batayang pangungusap pero kung ang pariralang pang-ukol ay pang-abay, ito ay nasa labas o adjunct ng batayang pangungusap. Kailangan ding suriin kung ano-ano ang paraan ng pagiging pang-abay ng isang pangungusap. Itong nakaraang mid-year term sa UP, gumawa ng pananaliksik sa pang-abay ang mga estudyante ko sa Informant Work pero dahil sa kailangan nilang gumawa ng saliksik sa wikang hindi nila alam, nag-focus sila sa Iranun, Kalingga, Waray, Sebwano, Magindanawn, Mëranaw - hindi kasama ang Filipino. Isang pag-aaral na maaaring madaling gawin ay tungkol sa mga contraction sa Filipino kung paanong ang mga kumpleto at mahabang istruktura ay natatapyasan ng mga elemento at madalas ay nagiging isang salita na lang. Ilang halimbawa: maghintay ka ⇒ hintay ka ⇒ tay ka ⇒ teka winika ni ⇒ eka ni ⇒ ani

kailangang tumakbo tayo ⇒ tumakbo tayo ⇒ takbo tayo ⇒ takbo

ayaw ko ⇒ ayoko ⇒ yoko ⇒ yaw ano'ng nangyari? ⇒ anyare?

Maaaring isama rito ang ilang itinuturong pariralang pang-ukol gaya ng gáling sa at mula sa na katumbas sa Ingles na from. Di kaya ang mga ito ay contraction ng nanggaling/nanggagaling sa at nagmula/nagmumula sa? Katulad ba ito ng ginawa sa at niyari sa na nagiging gawa sa at yari sa? Karamihan sa mga nauna ng pag-aaral ng Filipino ay nagkakaroon ng gawi na tumigil sa pag-analisa ng kahulugan ng isang porma kapag natukoy na ito bilang isang morpema. Isang madaling halimbawa ay ang pagtawag sa ang bilang pantukoy ng simuno (nagluto ang dalaga) pero ito rin ay ginagamit bilang pantukoy ng panaguring pangngalan na depinitibo (ang dalaga ang tagapagluto vs. dalaga ang tagapagluto), at ginagamit pa ring pangdiin o intensifier ng salitang ugat na pang-uri (ang ganda mo). Sa mga panlapi naman dahil tinawag na ang hulaping -an bilang pangmarka ng simuno na lokatibo (pinuntahan namin ang mall), nagkaroon ng paliwanag na sa pangungusap na tiningnan namin ang mall, ang salitang mall ay ang locus ng pagtingin, samantalang mas angkop na tawagin itong focus sa obheto ng persepsyon bilang pangalawang kahulugan ng hulapi. Kung gayon, kinakailangang pag-aralan ang polysemy o ang pagkakaroon ng maraming kahulugan ng isang porma lalo na ng mga functor - mga kataga o partikula at mga panlapi. 3. Paigtingin ang pag-aaral ng gramar ng Filipino gamit ang mga makabagong teorya tungo sa mas komprehensibong pagpapaliwanag. Maaaring masubok din ang kakayahan ng mga teorya sa analisis ng isang wikang Austronesian lalo na ’t lahat ng mga makabagong teorya ay hango sa o pinapaliwanag sa pamamagitan ng Ingles . Bakâ makabuo din ng bagong teorya batay sa Filipino bilang representante ng wikang Austronesian. Ang mga teorya ay nakabatay sa kani-kaniyang algoritmo o paraan ng representasyon ng mga elemento at kanilang relasyon sa isa't isa. Halimbawa, ang pangunugsap na uminom si Madge ng beer ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng: (1) rules: S → VP + NP-agent + NP-patient VP → focus + aspect + Vtrans focus → agent NP-agent → agent marker + NS1 NP-patient → patient marker + NS2

Commented [ECP1]: O mas akma po siguro ang partikel

(2) tree: IP

Focus

Aspect

Vtrans

agent marker

N1

patient marker

N2

(3) schema (hango sa tesis ni Javier, 2013):

Ang mga algoritmong ito at iba pa (hal., ang mga diagram ng stratificational at relational na gramar) ay ginagamit para maisapormal ang pagpapaliwanag ayon sa mga teorya ng struktura, proseso, at relasyon ng mga sangkap. Maaaring mas malinaw ang isang algoritmo sa isang aspekto ng Filipino, at iba namang algoritmo para sa ibang aspekto, pero kinakailangang mapagsama nang lohikal ang mga ito. Maaari ring makapagmungkahi ng iba pang algoritmo at teorya, lalo na ngayong dumadami na ang pag -aaral ng pagkakadikit ng gramar sa semantika at sa lohika.

Isang lapit na maaaring subukan ay ang pagtingin sa pagbuo ng dalawang salitang pangungusap ng bata bilang pagsulong mula sa komunikasyong referential, kapag isang salita lang ang ginagamit, tungo sa komunikasyong propositional. Kung gayon, bawat pangungusap ay naglalaman ng isang uri ng proposition na maaaring humihingi ng aksiyon sa kausap o reaksiyon kung ang pangungusap ay totoo o hindi. Ang sentro ng pangungusap ay ang pandiwa na siyang nagkokontrol kung anong kahulugan ang intensiyon (o illocution) ang isinasaad. Sa Filipino kailangan nating maglagay ng isang teoretikal na stative verb para sa mga proposition na nakatuon sa klasipikasyon at identipikasyon, halimbawa: Klasipikasyon: SV NS NP: ∅ magsasaka ang guro Ang guro ay isa sa mga magsasaka. Identipikasyon: SV def NS NP: ang magsasaka ang guro Ang guro ang tinutukoy na magsasaka. Sa ganitong pananaw, ang pangungusap na uminom si Madge ng beer ay ipapaliwanag bilang: Pagganap ng transitibong aksyon: agent FOC perf Vtrans FOC agent mrker N1 patient mrker N2 Tapos na ang paggawa ni N1 ng Vtrans sa S2 4. Magkaroon o bumuo ng isang preference committee ng mga kinikilalang mga propesyonal sa wika (gramaryan, titser ng wika, manunulat, mamamahayag, editor) para desisyunan ang ilang mga kontrobersiyal na detalye sa estandardisasyon. Magiging tulad ito ng Real Academia Española para sa Kastila at Académie française para sa Frances. Dapat may impluwensiya ang komiteng ito sa mga responsable sa wika ng mass media (diyaryo, radyo, tv). Pipiliin ng komiteng ito ang mas mahusay, angkop, o magandang porma o proseso sa mga kasong may higit sa isang porma o proseso sa isang natatanging aytem na gramatikal na nagagamit ng mass media, at mga naglilimbag ng librong panturo. Halimbawa, dapat bang igiit ang kaibahan ng pagbalik sa pagbabalik, kung saan ang pagbalik ay hango sa pandiwang bumalik, samantalang ang pagbabalik naman ay hango sa pandiwang nagbalik, alinsunod sa hulma ng nominalisasyon ng mga pandiwang -um- at mag-? Tingnan ang mga sumusunod: tumaas ang presyo ng langis ⇒ ang pagtaas ng presyo ng langis nagtaas ng bandila ang sundalo ⇒ ang pagtataas ng bandila ng sundalo tumayo ang pasyente ⇒ ang pagtayo ng pasyente

nagtayo sila ng pader ⇒ ang pagtatayo nila ng pader

bumalik ang bata sa ekswela ⇒ ang pagbalik ng bata sa eskwela nagbalik ng sukli ang bata ⇒ ang pagababalik ng sukli ng bata

Pero sa kasulukuyan, halos lahat ng mga brodkaster ay nagsasabing sa aming pagbabalik sa halip na sa aming pagbalik. Aayunan na lang ba natin ang mas madalas gamitin ng midya o maiimpluwensyahan ba natin ang midya sa pamamagitan ng komite, na gamitin ang mas angkop na porma? Mapapansin din sa midya ang paggamit ng kabilaang panlaping ka-…-an bilang pormang maramihan, halimbawa: kapulisan vs. mga pulis kasundaluhan vs. mga sundalo Mapapansin din ang paggamit ng ka-…-an sa mga salitang ugat na hindi kailangan nito ayon sa konteksto, halimbawa: may katanungan ba kayo sa akin? vs. may tanong ba kayo sa akin? eto ang kasagutan ko vs. eto ang sagot ko

Meron ding mga pagkakaibang maaaring ayon sa wikain. Aling porma ang mas magandang gamitin sa Filipino? Halimbawa: lalagyan vs. lalagyanan kalagayan vs. kalalagayan katayuan vs. katatayuan Siguro naman kailangang ding susugan ng komite ang paggamit ng mas malinaw na termino sa halip na terminong popular pero hindi tugma sa konteksto. Halimbawa: sinibak sa puwesto ang mga pulis na nangotong tinanggal ba sila sa trabaho o inilipat lang sila ng puwesto? ibinasura ng korte suprema ang mosyon nagbabasura na ba ang korte suprema? Kailangang-kailangan ang preference committee para tukuyin kung alin ang mas angkop sa Filipino na impleksiyon ng mga pandiwa lalo na ng mga hiram na salita na may kambal-katinig sa unahan, halimbawa: kakatapos vs. katatapos gumradweyt vs. grumadweyt vs. naggradweyt nagsa-speech vs. nag-iispeech nagtatransfer vs. nagtratransfer 5. Ituro ang gramar hindi lamang tungkol sa mga alituntuning kailangang sundin kundi mga estrukturang nagsasaad ng partikular na intensiyon o kahulugan (illucution). Nasa intensyon ang kahulugan ng pangungusap, kung kaya't kailangang akma sa intens iyon ang pormang gramatikal na gagamitin para hindi magkaroon ng kalabuan o higit sa isang kahul ugan. Pansinin ang estruktura ng pangungusap na nagsasaad ng pagsisisi: kung nag-aral lang ako ng maige, nagkamit sana ako ng mataas na grado Parehong nasa perfektibo ang mga pandiwa ng mga dalawang sugnay at kahit walang katagang negatibo, ang ibig sabihin ay hindi naganap ang isinasaad ng dalawang sugnay: hindi ako nag-aral ng maige, at hindi ako nagkamit ng mataas na grado. Kung papalitan natin ng kontemplatibo ang aspekto ng pandiwang panaguri ng mga sugnay, ganito ang lalabas: kung mag-aaral ako ng maige, magkakamit ako ng mataas na grado. Ito ay nagsasaad ng prediksiyon na, kapag nasamahan pa ng maraming kaso ng katulad nito ay magiging basehan para sa pangungusap na nagsasaad ng prinsipyo: lahat ng nag-aaral ng maige, nagkakamit ng mataas na grado Parehong nasa imperfektibo ang mga pandiwa ng mga sugnay. Lahat ng ito ay mga kondisyonal na pangungusap at hindi maaaring magpalit-palit ang aspekto. Sa pag-aaral ng intensiyon, dapat makita ng mag-aaral na ang mga modipikasyon ay hango sa relatibisasyon ng panaguri. Kung gayon, bawat salitang nag-uuri ay nagsisimula sa batayang pangungusap bilang panaguri at kung totoo ang pariralang may salitang nag-uuri, ang katotohanan nito ay nanggaling sa katotohanan ng orihinal na batayang pangungusap. maginoo ang lalaki ⇒ ang lalaking maginoo ⇒ ang maginoong lalaki tumaas ang presyo ⇒ ang presyong tumaas ⇒ ang tumaas na presyo

ayon sa utos ang pagpatay ⇒ ang pagpatay na ayon sa utos ⇒ ang ayon sa utos na pagpatay

magsasaka ang estudyante ⇒ ang estudyanteng magsasaka

Mapapansin sa mga halimbawa na ang unang hango mula sa batayang pangungusap ay inilalagay ang orihinal na panaguri sa posisyong kasunod ng orihinal na simuno at pinagdidikit ang dalawa ng pangangkop na na. Tatawagin natin itong relatibisasyon. Ang pangalawang hango ay inilalagay ang orihinal na

panaguri sa pagitan ng pantukoy ng simuno at ng pangngalang simuno, at ginagamitan din ng pangangkop na na. Tatawagin natin itong atribusyon. Ang mga panaguring pang-uri, pandiwa at pariralang pang-ukol ay nagkakaroon ng dalawang hango. May limitasyon lang sa atribusyon para sa mga pariralang pang-ukol dahil sa kahabaan ng mga ito. Ang pangngalang panaguri naman ay limitado sa relatibisasyon, dahil kapag inilagay ang pangngalang panaguri sa harapán ng pangngalang simuno, babangga ito sa relatibisasyon ng isa pang pangungusap tulad ng: estudyante ang magsasaka ⇒ ang magsasakang estudyante May mga pang-uring limitado ang hango sa atribusyon, halimbawa: ganap ang tagumpay ⇒ ang ganap na tagumpay (*ang tagumpay na ganap) tatlo ang mansanas ⇒ ang tatlong mansanas (*ang mansanas na tatlo)

Kung ano man ang lohikal na relasyon sa pagitan ng panaguri at simuno ay dala-dala nito sa mga hangong relatibisasyon at atribusyon. Kung gayon ang isang pangungusap ay kasing bigat sa semantika ng mga sangkap nitong batayang pangungusap, at paghihimay-himay nito ay kailangan para lubos na maintindihan ang kahulugan. ang pag-ibig ko sa'yo ay tunay, tulad din ng umagang may pag-asang sumisikat = tunay ang pag-ibig ko sa'yo + tulad din ng umaga ang pag-ibig ko sa'yo + sumisikat ang araw nang may pag-asa 6. Isama ang pagtuturo ng mapanuring pag-iisip sa pagtuturo ng wika, batay sa pag-aaral ng epekto ng mga pangatnig sa pagsasaad ng katotohonan sa tambalang pangungusap (truth value), at sa pagbubuo ng mga hugnayang pangungusap. May mga estruktura ng pangungusap na maaaring magdulot ng kalituhan sa interpretasyon o magbigay ng maling kaisipan at marami rito ay popular. Halimbawa, ang isang sugnay ay maaaring gawin pangabay na pamanahon, tulad ng: namatay ang doktor matapos maturukan ng dengvaxia Ang isinasaad ng unang sugnay ay naganap pagkatapos maganap ang sinasabi ng pangalawang sugnay. Walang isinasaad na aktuwal na pagitan sa panahon pero maraming nakarinig nito ang naisip na maikling panahon lang ang pagitan ng dalawa. Sa aktuwal na kasong ito, dalawang taon na ang nakaraan bago namatay ang nasabing doktor. Isa pa, marami ang nakaintindi sa pangungusap na ito bilang pagsasaad na dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng doktor. Ang ganitong kaisipan ay mali at isang halimbawa ng fallacy na post hoc ergo propter hoc—maling kaisipan na "pagkatapos nito kung gayon dahil dito". Totoong ang dahilan ay nauuna sa resulta pero hindi ibig sabihin na lahat ng nauuna sa isang kaganapan ay kaniyang dahilan. Sa mga pangungusap na tulad nito idinidiin ng ilang mamamahayag na delikado at nakakamatay ang dengvaxia na hindi naman naaayon sa mga pananaliksik tungkol sa bakunang ito. Ang kondisyonal na pangungusap ay madalas ding magresulta sa maling interpretasyon . Halimbawa: kung makatapos kayo ng MA, mapopromote na kayo Kung ito nga ay patakaran ng isang kolehiyo, maaaring gamitin itong batayan sa pag-iisip na dahil napromote ang isang guro, siguradong nakatapos na siya ng MA. Isa itong maling kaisipan na tinatawag na pag-ayon sa consequent, dahil sa conditional, kung totoo ang antecedent, maaaring maging totoo ang consequent (kaisipang modus ponens), at kung hindi totoo ang consequent maaaring hindi totoo ang antecedent (modus tollens). Ito ay dahil ang antecedent ay isa lang sa maraming posibleng antecedent para sa naturang consequent (ang gurong napromote ay paborito ng de...


Similar Free PDFs