ANG Wikang Filipino AT ANG Banta NG Globalisasyon NI DR PDF

Title ANG Wikang Filipino AT ANG Banta NG Globalisasyon NI DR
Author Kimberly Jane Litera
Course Elementary Eduction
Institution Central Luzon State University
Pages 17
File Size 152.7 KB
File Type PDF
Total Downloads 77
Total Views 520

Summary

ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BANTA NG GLOBALISASYON NI DR.BIENVENIDO LUMBERAUpang mapagtakpan ang buktot na pakanang nag-aanyong biyaya ng mga dambuhalang empresang nakabase sa Kanluran, may bayarang intelektuwal na umimbento sa pariralang “borderless world” at itinapal ito sa mapagsamantalang mukha n...


Description

ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BANTA NG GLOBALISASYON NI DR. BIENVENIDO LUMBERA

Upang mapagtakpan ang buktot na pakanang nag-aanyong biyaya ng mga dambuhalang empresang nakabase sa Kanluran, may bayarang intelektuwal na umimbento sa pariralang “borderless world” at itinapal ito sa mapagsamantalang mukha ng kapitalismo. Sa ganyang anyo inihaharap sa atin ang “globalisasyon” na may Utopiang ipinangangako -- isang “mundong wala nang hangganan.” Sinasabing sa “mundong wala nang hangganan,” pantay ang kakayahan ng bawat bansa na kamtin ang kaunlaran. Para sa isang bansang malaon nang nabalaho sa di-pag-unlad, ang Utopiang pangako ng globalisasyon ay tunay na katakamtakam. Naroon ang paglaganap at pagtibay ng demokrasya. Naroon din ang paggalang at pagsasanggalang sa karapatang pantao ng mahihina at walang kapangyarihan. At naroon ang pagtutulungan ng lahat ng bansa upang panatilihing malinis at ligtas ang ating kapaligiran. At naroon din ang matagal ng minimithi ng sandaigdigan – ang mapayapang mundo na sa mga awit pa lamang matatagpuan. Subalit ano ba ang realidad ng “borderless world” na naglalatag sa ating mga haraya ng maluningning na landas tungo sa maunlad at mapayapang bukas? Sa ngalan ng anti-terorismo, mga eroplano at bomba ng Estados Unidos na nagtatawid-kontinente at bumabagtas ng mga heyograpikal na hangganan upang pagbantaan ang alinmang bansang nagbabalak kayang ulitin ang kapahamakang idinulot sa New York noong 2001. At sa larangan naman ng ekonomiya, ang paggigiit na tanggalan ng proteksiyon ng batas ang mga kalakal na Filipino sa ngalan ng pantay na pakikipagkompetisyon. Samakatwid, ang “globalisasyon” ay pananalakay ng mga kapitalistang bansa ng Kanluran na naghahanap ng pamilihan para sa kanilang kalabisang produkto. Kunwari’y binubuksan ng mga ito ang kanilang mga pamilihan sa mga produkto ng mahihinang ekonomiya. Pero sa katunayan, hindi kayang makipagkompetisyon ng mahihinang ekonomiya sa kanila, kaya’t sa kalaunan nilalamon nila ang lokal na kompetisyon. Bahagi ng pananalakay na iyan ang panghihimasok ng World Trade Organization sa edukasyon. Ang reporma ng kurikulum na sinimulan sa pang-akademyang taong ito ng Departamento ng Edukasyon ay malinaw na tinabas upang isunod sa padrong globalisasyon. Tumutugon ang Basic Education Curriculum sa pangangailangan ng mga lipunang maunlad ang mga industriya at teknolohiya para sa mga taong marunong bumasa ng instruksiyon at sumunod dito upang ang assembly line ay maayos na mapakilos. Dahil isinaayos ng ating gobyerno ang sistema ng edukasyon upang makapagpalitaw ng mga kabataang marunong ng simpleng Ingles, ng simpleng pagkukwenta, at ng simpleng siyensiya, halos itinalaga na nito ang darating na mga henerasyon ng kabataang Filipino sa pagiging manggagawang ang lakas at talino ay pagsasamantalahan ng mga dayuhang empresa dito sa Filipinas at maging sa labas ng bansa. Nakatinda na ngayon ang sambayanang Filipino sa eksploytasyon ng kapitalismong global. Ang teritoryo natin ay binubuksan ng ating gobyerno sa mga empresang multinasyonal, at ang mga kabataan ay ipinapain sa kulturang nagpapalabo sa mga tradisyong kanilang kinagisnan. Ang kulturang ito na itinuturing na global ay humihimok sa mga itong hubdin ng kabataan ang kanilang identidad bilang mamamayan ng kanilang tinubuang lupa. Sa maikling salita, ibinalik na tayo ng kapitalismong global sa yugto ng kolonyal na pagkasakop. Hindi natin namamalayan ang panibagong pagsakop sa atin dahil ang mga sandatahang Amerikano na lumunsad sa ating mga baybayin ay mga kaibigan daw na nagmamalasakit na pulbusin para sa mga Filipino ang Abu Sayyaf. Ang kapangyarihang politikal ay kusang sinususpindi ng ating pamahalaan upang akitin ang dayong puhunan. Ang sistema ng edukasyon ay hinuhubog upang tugunan ang pangangailangan

ng mga multinasyonal. Tunay na ang “borderless world” ay bagong maskara lamang ng imperyalismo. Ang bagong anyo nito ay nagpapanggap na wala itong pangangailangan sa atin, tayo mismo ang humihingi na ang kasarinlan natin ay kanyang salakayin. At ano naman kaya ang panlaban ng mga Filipino sa dagsa ng pananalakay ng globalisasyon? Ano ang magagawa ng wika nina Amado V. Hernandez, Jose Corazon de Jesus, at Lazaro Francisco? Ano ang magagawa ng mga awiting Filipino nina Jess Santiago, Joey Ayala at Gary Granada? Ano ang magagawa ng mga nobela nina Luwalhati Bautista, Edgardo Reyes at Ave Perez Jacob? Ano ang bisa ng Wikang Filipino sa pagtatayo ng moog laban sa paglusob ng mga kaisipang makapagpapahina sa tigas ng loob at tatag ng mga makabayan? Noong 1996, sa Copenhagen, Denmark, inorganisa ng United Nations World Summit for Social Development ang isang serye ng mga seminar upang talakayin ang mga kalagayang tutungo sa panlipunang pag-unlad sa harap ng mabilis na paglakas ng global capitalism. Ganito ang isang obserbasyong lumitaw sa seminar: Lumulubha ang agwat sa kinikita ng mga mamamayan sa mayayamang bansa sa kinikita ng mga mamamayan sa mahihirap na bansa. Ang agwat ng per capita income sa pagitan ng mga bansang industrialisado at ng mga bansang papaunlad ay lumobo ng tatlong beses mula 5,700 dolyar noong 1960 tungo 15,400 dolyar noong 1993. Noong taong 1994-95, ang GNP per capita sa mundo ay 24,000 dolyar sa pinakamayamang mga bansa na ang populasyon ay 849 milyon. Ang GNP per capita sa mga pinakamahirap na bansa ay 4,000 dolyar at doon ay 3 bilyong tao ang naninirahan. Sa harap ng ganitong tiwaling kalagayan, binigyang diin ng seminar ang pangangailangang pagtuunan ng pansin ang kultura ng kapitalismong global, suriin ito, pagtalunan at hamunin ang katinuan ng bisyon na gumagabay rito. Kaugnay nito, tinukoy ang pangangailangang isangkot sa mga isyung panglipunan ang mga intelektuwal na makitid ang pananaw at labis ang pagkakulong sa kanikanilang ispesyalisasyon. Dapat daw himukin ang mga ito na gamitin ang kanilang tinig sa mga debate at diskurso hinggil sa mga problema at tunguhin ng kontemporaryong lipunan. Narito sa palagay ko ang ispasyo na bukas at humihinging pasukin ng mga Filipinong tumatangkilik sa wika at panitikan. Sa ispasyong iyan maaaring harapin at labanan ang kultura ng globalisasyon upang kalusin ang negatibong bisa nito sa lipunang Filipino. Hindi dapat magbunga ang globalisasyon ng panibagong pagkaalipin para sa sambayanan. Nakalangkap sa wika at panitikang katutubo ang pinagdaanang kasaysayan ng sambayanang lumaban sa pananalakay at pang-aalipin ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano. Sa tuwing pinagyayaman ang wika at panitikang katutubo, may lakas na pinakikilos sa kalooban ng Filipino, na magagamit na panlaban sa pang-aakit ng globalisasyon. Narito ang kahalagahan at adhikain ng mga naunang henerasyon na hindi kayang burahin ng Utopiang pangako ng “borderless world.” Nasa pagtayo natin at paggigiit sa makabayang pagtangkilik sa ating wika at kultura ang lakas na maibabangga natin sa globalisasyon, na naglalayong patagin ang landas patungo sa walang-sagwil na pagpasok ng kapitalismong global sa ating ekonomiya at politika. Ang wika at panitikan natin ay buhay na katibayan ng ating kultura at kasaysayan. Ipinapagunita nito na mayroon tayong mga karanasan at kabatirang natamo sa ating pagdanas ng kolonisasyon at sa ating ginawang paglaban sa paghahari ng mga dayuhan. Hindi natin tinatanggihan ang paghatak ng hinaharap kung iyon ay magdadala sa atin sa tunay na pag-unlad. Subalit ang identidad ng isang sambayanan ay hindi naisusuko nang gayongayon lamang. Nakatatak ito sa kamalayan hindi ng iisang tao lamang kundi sa kamalayan ng buong sambayanan. Kung hinihimok tayo ng globalisasyon na magbagong bihis, itinuturo naman ng ating kasaysayan na ang pinagdaanan natin bilang sambayanan ay laging nagpapagunita na may sariling bayan tayo, may minanang kultura at may banal na kapakanang dapat pangalagaan at ipagtanggol kung kinakailangan. Sandatahin natin ang ganyang kamalayan tungo sa ikaluluwalhati ng Filipino bilang nagsasariling bayan. Bulatlat.com Ang Wikang Filipino sa Kasalukuyan: Tungkulin at Suliranin

ni Kakoi Abeleda

Lubhang nakababagabag ang naging panukala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo tungkol sa paggamit ng wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo na ipatutupad sa mga paaralang pampubliko. Idinadahilan niyang kailangang mahasa nang husto ang mga Pilipino sa wikang Ingles upang makasabay sa mundong lugmok na sa globalisasyon. Ayon sa kanya, higit na bumilis ang pag-unlad ng Pilipinas noong panahong mataas ang literacy rate ng bansa kaysa mga kapitbahay nating mga Asyano tulad ng Thailand, Indonesia, at Singapore. Idinahilan din niyang ang malawak na pagpapalaganap ng Ingles sa mga bansang ito ang siyang naging sanhi ng pagbulusok ng mga ekonomiya nito. Marahil, tama siya na malaki ang naitulong at maitutulong ng pagpapalaganap ng wikang Ingles sa ekonomiya ng mga bansang kabilang sa Ikatlong Mundo. Ngunit, naaayon sa konteksto ang kahulugan ng pag-unlad. Anong uri ba ng pag-unlad ang inaasahan niya? Malinaw na nais niyang ihain ang mga Pilipino sa mga kumpanyang banyaga, upang magsilbi bilang mga manggagawa. Higit daw na pinipili ng mga dayuhang kompanya ngayon na ibase ang kanilang operasyon sa mga lugar kung saan mataas ang literacy rate at kung saan marunong ng Ingles ang mga mangagawa. Malaki ang suliranin ng pagdadahilang ito. Una, nangangahulugan ito ng pagsuko sa mga kagustuhan ng mga dayuhan na pawang nais lamang samantalahin ang murang pasahod na matatagpuan sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Kung ganyan na lamang ang ating iisipin, umasa na lamang tayo sa mga dayuhan upang iangat ang ating ekonomiya habang-buhay. Isa pa, walang pagsasalin ng teknolohiya na nagaganap. Nasakyan na ng mga mauunlad na bansa tulad ng Amerika, Pransiya, Alemanya, at ng Hapon ang Ikatlong Daluyong (Third Wave) ng Teknolohiya. Nangangahulugan na may kapangyarihan, kakayahan, at awtonomiya na sila sa kung ano’ng teknolohiya ang nais nilang buuin. Sila ang nangunguna sa larangan ng teknolohiya. Ngunit hindi naisasalin sa mga bansang tulad ng Pilipinas ang mga teknolohiyang ito. Nagsisilbi lamang tayo bilang mga manggagawa nila. Halimbawa na lamang nito ang Microsoft Philippines. Ayon sa Microsoft Philippines, nagsisilbi lamang tayo bilang distribution center ng Microsoft sa Asya. Hindi tinuturuan ang mga Pilipino na bumuo ng mga produkto ng Microsoft. Sa gayon, hindi nagkakaroon ang Pilipinas ng kapangyarihang bumuo ng mga teknolohiya na katulad ng sa Microsoft at palagi na lamang itong mag-aangkat ng produkto mula sa Amerika. Walang nagaganap na technology transfer. Sa napipintong pagkabuwag ng mga hadlang sa pakikipagkalakalan na idudulot ng globalisasyon, mahalaga nga na makasabay ang Pilipinas sa agos ng panahon. Ngunit, itanong muna natin, “Anong mukha ang ihaharap ng Pilipinas sa mundo, gayong tila wala itong iisang mukha?”. Ang Papel ng Wika sa Pagbubuo ng Bansa Hindi pipitsuging papel ang gagampanan ng wikang Pilipino sa pagbubuo ng isang pambansang identidad o kaakuhan ng Pilipinas, lalo na sa kumukubabaw na konsepto ng globalisasyon. Mahalagang mabuo muna ang identidad ng isang bansa bago ito sumabak sa proseso ng globalisasyon. Kung hindi, malamang malamon ito ng mga higit na makapangyarihang kultura at mamatay ang higit na mahinang kultura bansang iyon. Sentido kumon ang magsasabi na sa kalagayang pangkultura at pang-ekonomiya ng Pilipinas sa kasalukuyan, madali tayong malalamon (kung hindi pa nga nangyayari) ng kulturang Amerikano at Kanluranin. Upang higit nating maunawaan ang papel na gagampanan at pati na rin ang mga suliraning kinahaharap ng wikang Pilipino sa pagbubuo ng pambansang kamalayan, ilang teoretikal na oryentasyon ang ilalahad namin. May tinatawag si Zeus Salazar na “Pantayong Pananaw”, at ito ang kaganapan ng pagkabuo ng pambansang identidad. Apat na pananaw ang maaaring maging lumaganap sa isang lipunan: Ang Pantayo, Pangkami, Pangsila, at Pangkayo. Sa madaling sabi, tinutukoy ng mga ito ang puntode-bistang ginagamit ng mga Pilipino kung nakikipag-usap sa mga banyaga o kaya’y sa mga

kapwa Pilipino. Kung gagamitin ang Pangkaming pananaw, masasabing ang nagsasalita ay kabilang sa isang sistema o lipunan na kumakausap sa isang tagalabas tungkol sa kaniyang sistema o lipunan. Sa Pangsila, nagmumula ang tinig sa isang taga-loob (ng sistema o lipunan) patungo sa kapwa niya taga-loob ngunit tungkol sa banyaga o tagalabas ang ipinapahayag nito. Ang Pangkayong pananaw naman ay ginagamit ng isang tagaloob upang kausapin ang isang tagalabas tungkol sa kultura, halimbawa lamang, ng tagalabas na iton. Kung gayon, ganito ang sinasabi ng tatlong pananaw na ito: sa Pangkami, “Eto kami. Ganito kami.”; sa Pangsila, “Eto sila, at ganito sila.”; sa Pangkayo, “Kayo, ganito at ganiyan kayo.”. Dalhin natin sa ibang nibel ang paglalapat ng tatlong pananaw sa ibang pangungusap. Sa Pangkami, “Eto kaming mga Pilipino. Ganito at ganiyan kami. Masipag kami. Maganda ang mga isla naming. Mura ang paggawa sa amin. Magaling mag-Ingles ang mga taga sa’min.” Sa Pangsila, “Eto ang mga ‘Kano. Ganito sila manamit at magsalita: Hey yo! Mahilig sila sa mga pelikulang maaksyon at MTV. (Kaya’t maghe-hey yo! na rin ako at magbababad sa panonood ng MTV.)”. Sa Pangkayo, “A! Kayong mga Pilipino, ang babaho niyo! Mga unggoy kayo! Ang tatamad ninyo!”. Pamilyar ba ang mga linyang ito? Ang suliranin ng Pangkaming Pananaw (na siyang madalas namamayani sa mga kolonisado/dating kolonisadong bansa): Kailangang basbasan ng mga dayuhan ang kahit na anong gawa sa isang bansa. Kung hindi ito maituturing na maganda ng mga banyaga, hindi ito ituturing na maganda sa lipunang iyon. Sa Pantayong pananaw naman, nagmumula ang tinig sa tagaloob, tungo sa tagaloob, at tungkol sa sistema o lipunang kinabibilangan ng mga tagaloob. Sarado ang sistemang ito at nagkakaunawaan ang lahat ng kabilang dito. Kung ano ang realidad para sa isa, siya ring realidad para sa iba. Kilala ng bawat isa ang sistema, at may kakayahan silang gumalaw bilang isa. Sa madaling sabi, may identidad o kaakuhan ang sistema o lipunang ito. Ngunit hindi ganoon kadali ang pagbubuo ng Pantayong pananaw. Kinakailangang magkaintindihan ang bawat isa sa sistema. At magaganap lamang ito kung may iisang code, ang sariling wika. Ito ang nagiging daan ng mabisang pakikipagtalastasan sa bawat kasapi ng sistema, at dito rin napapalaman ang kultura, kaisipan, at diwa ng isang sibilisasyon: Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang pagkakaroon ng iisang wika bilang batayan at daluyan ng pang-unawa at komunikasyon. (Salazar, 1988) Ngunit kung isasaalang-alang natin ang pagiging dating kolonisadong bansa ng Pilipinas (sa teritoryal at pangkaisipang antas), makikita nating hindi madali ang makabuo ng isang Pantayong pananaw, ng Pambansang Identidad, at lalo na ng malawakang pagkaka-unawa sa sariling wika. Ang Problema sa Wika ng mga Lipunang Sakop Sa kaniyang sikolohikal na pag-aaral sa mga Negro ng Antilles na kinukubabawan ng mga koloniyalistang Pranses, nakabuo si Frantz Fanon ng isang pananaw tungkol sa relasyon ng mga (dating) kolonisadong sibilisasyon sa sariling wika nito. Para sa kaniya, tulad ng ating nasabi na, malaking papel ang ginagampanan ng wika: To speak means to be in position to use a certain syntax, to grasp the morphology of this or that language, but it means above all to assume a culture, to support the weight of a civilization . . . Mastery of language affords remarkable power. Paul Valery knew this, for he called language ‘the god gone astray in the flesh’. (Fanon, 1968: 14) Ayon pa kay Fanon, iniisip ng mga nasakop na higit silang magiging tao kung tutulad sila sa mga mananakop. Sanhi ng matinding panliliit na ipinadama sa kanya ng lahing puti, sisikapin ng isang Negro o Asyano na itaas ang kanyang sarili sa antas ng mananakop. Dulot ng tendensiya ng mga mananakop na maliitin ang mga kaugalian, pagpapahalaga, at kultura ng kanilang

nasakop, maaaring a) maniwala ang sinasakop, b) naisin ng sakop na itakwil ang kanyang kultura at halinhan ito ng kultura ng mananakop, o, c) patunayang may kakayahan ang kanyang kulturang makapapantay sa kultura ng mananakop. Halimbawa na lamang nito ang tinatayang “Unang Yugto ng Kritisismong Pamapanitikan sa Pilipinas.” Sa “Poetikang Tagalog” ni Virgilio Almario, inilahad niya ang mga unang halimbawa ng kritisismo sa Pilipinas. Kabilang sa kalipunang ito ang mga isinulat nina Fray Bencuchillo, Fray San Agustin, Jose Rizal, at Marcelo H. del Pilar. Sa mga sanaysay na ito, makikita ang tunggalian ng mga prayle at propagandista. Sa isang panig, tinatangkang patunayan ng mga prayle na walang panitikan ang mga Pilipino, o kung mayroon man, patunayang mababa ito kung ihahambing sa panitikang Kastila. Sa kabilang banda naman, pinilit ng mga propagandista na patunayan ang pagkakaroon ng isang taal at mapagmamalaking panitikan ng lahing Pilipino. Binanggit din ni Fanon ang kongklusyon ni D. Westermann tungkol sa mga edukadong Negro, na nailathala naman sa magasing The African Today: The Negroes’ inferiority complex is particularly intensified among the most educated, who must struggle with it unceasingly. (Fanon, 1968: 19) Maiintindihan natin ang kanyang hinuha: To speak a language is to take on a world, a culture. . . .who wants to be white will be the whiter as he gains mastery of the cultural tool that language is. (Fanon, 1968: 29) Ang Intelektwalisasyon ng Wikang Pilipino Sa kanyang sanaysay na “Pilipino Para Sa Mga Intelektwal,” tinalakay ni Rolando S. Tinio ang dalawa sa maraming mga hadlang na kinahaharap ng wikang Filipino tungo sa intelektwalisasyon nito. Una, ipinalalagay ng mga Pilipino na walang kakayahan ang kanilang wika bilang wikang intelektwal. At ikalawa, nangangamba ang mga Pilipino na maiwan sa kaunlarang pag-iisip kung tumiwalag tayo sa wikang Ingles: . . . ganito pa rin ang nangyayaring palagay – mabisang gamitin ang Pilipino sa mga karaniwang sitwasyon, ngunit sa mga sitwasyon espesyal, Ingles pa rin ang kinakailangan. (Tinio, 1975) Sapagkat sa wikang Ingles napapalaman ang maraming dalumat at kaalaman, lalo na sa Agham at Teknolohiya, at Matematika, hindi maiiwasang dito mahasa ang mga intelektwal ng ating bansa (hindi namin sinasabing ang mga dalubhasa lamang sa Agham at Matematika ang mga intelektwal, ngunit tulad ng pagpapalagay ni GMA, sa mga propesyong ito nakasalalay ang pagunlad ng bansa). Ngunit hindi ito problema, kung sa mga terminong gagamitin ang pag-uusapan, ani Tinio: . . . maaaring itawag ang anumang salita (katutubo o dayuhan) para sa mga bagay. Tulad ng sa mga ngalan ng tao, hindi kailangan ng makabuluhang pag-uugnay ng pangalan at ng pinapangalanan. (Tinio, 1975) Katulad rin ng sinabi ni Fanon, kinilala ni Tinio ang kahalagahan ng wika. Para sa kanya, ito ang nagtataglay ng larawan o krokis ng diwa ng isang lahi. Makikita rito kung ano ang pinahahalagahan (tunay) ng isang lahi at kung ano ang walang katuturan (di-tunay). Sa sanaysay naman ni Dr. Florentino H. Hornedo, “Ang Wikang Filipino Tungo sa Intelektwalisasyon,” higit nating mababanaag ang doble-karang paggamit sa wikang Filipino. Ayon sa kanya, dumadaan ang mga kabihasnan sa dalawang antas ng pag-unlad ng pag-iisip. Para sa pagpapahayag ng damdamin, ninanasa, o hangarin, ang Vital Thought o Diwang Buhay ang umiiral. Ngunit sa antas ng pagpapahayag ng mapanimbang na pag-iisip o pagmumuni (dulot ng mapanuring kamalayan), umiiral ang Reflexive Thought o Diwang Malay. Kung gayon,

magkakatotoo lamang ang intelektwalisasyon ng ating wika, kung itataas natin ito sa antas ng Diwang Malay: At magagawa lamang ito sa pamamagitan ng puspusang paggamit nito sa mga larangang intelektwal tulad ng pagtuturo sa antas tersiyaryo at eskwelahang gradwado, sa pagsulat ng mga akda sa pilosopiya, agham at teknolohiya. (Hornedo) Kung gayon, mahihinuhang may kakayahan ang wikang Pilipino na pumantay sa wikang Ingles pagdating sa larangan ng Agham at Teknolohiya, pati na rin Matematika, Pilosopiya, at lalonglalo na sa Humanidades. Kinakailangan lamang, marahil, ng tuloy-tuloy na paggamit at pagsasanay dito upang higit pang yumaman ang kalipunan nito ng salita at kakayahang panggramatika. Hindi nga naman ito yayaman ng katulad sa wikang Ingles kung hindi gagamitin sa mga larangang intelektwal, sa nibel ng Diwang Malay (ang mga espesyal na sitwasyong binaggit ni Tinio), at hindi lamang sa antas ng Diwang Buhay (ang pangkaraniwang sitwasyon). Huling Analisis Batay sa apat na pag-aaral na inilahad sa itaas, makikita natin ang ka...


Similar Free PDFs