Bekilipino: “Ang Paglaladlad ng Gay Lingo sa Kultura at Wikang Filipino” PDF

Title Bekilipino: “Ang Paglaladlad ng Gay Lingo sa Kultura at Wikang Filipino”
Author Gray Bediones
Pages 13
File Size 770.7 KB
File Type PDF
Total Downloads 249
Total Views 846

Summary

Bekilipino: “Ang Paglaladlad ng Gay Lingo sa Kultura at Wikang Filipino” Bediones, Gray Louis S. 2018 Bekilipino: “Ang Paglaladlad ng Gay Lingo sa Kultura at Wikang Filipino” Abtrak Ang gay lingo ay wikang nilikha ng mga bading na tumatayong kanilang sosyolek. Ang wika ito ay napakakulay, napakamali...


Description

Bekilipino: “Ang Paglaladlad ng Gay Lingo sa Kultura at Wikang Filipino”

Bediones, Gray Louis S. 2018

Bekilipino: “Ang Paglaladlad ng Gay Lingo sa Kultura at Wikang Filipino” Abtrak Ang gay lingo ay wikang nilikha ng mga bading na tumatayong kanilang sosyolek. Ang wika ito ay napakakulay, napakamalikhain, at sadyang napakalikot sa paraan ng pagbubuo ng salita. Kapara ng mga wikang natural at likas na nabuo, ang gay lingo ay patuloy at mabilis na nagbabago sa paglipas ng panahon. Sa kadahilanang ang gay lingo ay nilikha lamang, sinuri ng pamanahong papel na ito ang iba’t ibang pag-aaral hinggil sa gay lingo. Ipinaliwanag ang iba’t ibang paksaing may kinalaman sa kasaysayan, estruktura, at kultura ng gay lingo. Inilahad ang kalipunang impormasyon hinggil sa iba’t ibang teorya o batayan na may kinalaman sa wika na papasok sa pagsusuri ng gay lingo. Dagdag pa rito ay inilahad din ang mga nalikom na datos hinggil sa estruktura ng gay lingo na tumalakay sa ponolohiya, morpolohiya, sintaksis, semantika, at ortograpiya. Inilahad din sa pag-aaral ang kulturang ng mga bading sa paggamit ng isang likhang wika sa araw-araw na usapan, akademya, panitikan, at iba pang larangan. Susing Salita: Gay lingo, estruktura, bading, bekilipino

Panimula at Paglalahad ng Suliranin Sa Pilipinas ay isang malaking usaping moral, politikal, at panlipunan ang pagiging homosekswal tulad ng isang bakla (Casabal, 2008). Dagdag pa niya, madalas na masangkot ang mga ganitong tao sa pambubulas sa saanmang lugar ng ating lipunan. Dagdag ni Daniels (2010) na sinipi nina Lunzaga, Bendulo, at Felisilda (2011), sa panahon ng ating mga ninuno ay isang kahihiyan sa isang pamilya ang magkaroon ng baklang miyembro. Batay rin sa pag-aaral ni Casabal (2008), dahil sa mga araw-araw na nararanasang pakikibaka at pakipagtunggali ng mga bakla sa mga taong may matatag na patriyarkal na pananaw ay nakabuo sila ng isang sandata na magiging kalasag at baluti laban sa panghuhusga. Isinilang ang isang makulay at malikhaing wikang sinasalita ng sangkabaklaan na may marikit at malikot na ponolohiya at morpolohiya (Casabal, 2008). Ang mga salitang badaf, badette, bading, bading garci, badinger, badinger z, badush, baklers, baklesh, bakling, baklita, baklush, bayola, bayot, beki, binabae, juding, keki, kekla, kunesa, pa-girl, pa-mihn, paminta, shokla, silahis, vaklush, X-men

ay ilan lamang sa mga salitang ginagamit para sa salitang bakla (Alba, 2006; Casabal, 2008). Bekimon, bekinese, o mas kilala sa tawag na gay lingo ang wikang nilikha ng mga bading. Batay sa pag-aaral ni Gianan (2008) na sinipi nina Barrameda, et al. (2010) ay lumaganap ang gay lingo sa Pilipinas noong 1960. Dagdag naman ni Alba (2006) ay iniugnay kay Jose Javier Reyes sa isang kolumnista at kritiko ng pelikulang si Nestor Torre kaya nabuo ang salitang “swardspeak” noong 1970 bilang katawagan sa wika ng mga bading. Ayon naman kay Baytan (2002) ay makaluma na ang salitang “swardspeak” na hindi umaangkop sa mga bading sa kasalukyan kaya pinalitan ito ng “gayspeak” (sinipi ni Alba, 2006). Ang gay lingo ay nabuo dahil sa matinding diskriminasyon. Isang paraan ang gay lingo upang makatakas ang mga bading sa pang-iinsulto. Ginamit ang wikang ito upang malayang makapag-usap ng mga anumang paksain (Barrameda, et al., 2010). Dagdag pa ni Alba (2006), ginamit ang gay lingo nang maitago ang mga usapan na na hindi naaayon sa ibang tao. Batay kay Hernandez (2010), isa sa kaangkinan ng gay lingo ay pagkukubli na hindi maiintindihan at mauunawan ng mga makaririnig ang usapan. Isang pandepensa ang gay lingo upang labanan ang diskriminasyon (Casabal, 2008). Iniiba ang paraan ng pagkakabuo ng mga salita sa gay lingo (Hernandez, 2010; Lunzaga, et al., 2011). Dagdag naman ni Red (1996) at Suguitan (2005) ay walang sinusunod na tuntunin ang gay lingo kung estruktura ng wika ang usapan ngunit hawak nito ang batas ng kalayaang walang tuntuning idinikta. Sa pagsusuri na isinagawa nina Bernales, et al. (2016) lumalabas na maraming sinusunod na pagbuo ng salita sa gay lingo tulad na lamang ng paglalagay ng kanilang sariling panlapi, substitusyon sa unang titik o pantig ng salita, panghihiram sa natural na wika maliban sa Tagalog, pagbubuo ng akronim, pag-uulit ng mga salita o redupliksyon, paghahawig ng dalawang bagay, pagkakaltas ng mga titik o pantig, pagbabaligtad ng posisyon ng mga titik o pantig ng salita, paggamit ng mga salitang katunog, paggamit sa pangalan ng mga sikat na tao, bagay, o lugar, at paghihimig ng mga salita. Malayong-malayo na ang nararating ng gay lingo mula sa pag-usbong nito noong 1960 (Gianan, 2008). Dagdag pa niya ay hindi na mapipigilan pa ang pagkalat at paglaganap nito sa bibig ng madla. Tulad ng isang natural na wika, ang gay lingo ay patuloy na nagbabago sa pag-usad ng panahon ngunit sobrang bilis na hindi kapara ng likas na wika (Suguitan, 2005). Saad pa ni Suguitan (2005), sa sobrang bilis ng pagbabago ng gay lingo ay hindi maaaring makagawa ng diksyonaryong hindi maluluma sa loob lang isang buwan, linggo, o maging isang araw. Batay sa pag-aaral ni Casabal (2008), lumalabas na walang konsistensi o

kaisahan sa pagbabaybay sa gay lingo. Ayon kay Alba (2006), kahit ang mga tunay na lalaki at babae ay gumagamit na rin ng gay lingo nang hindi namamalayan. Dagdag pa ni Cortez (2017), ginagamit ang gay lingo sa pang-araw-araw ng pakikipag-usap. Layunin ng pamanahong papel na ito na bigyang linaw ang estruktura at kalikasan ng gay lingo at kung ano ang papel nito sa kultura at Wikang Filipino.

Batayang Teoretikal Barayti ng Wika: Sosyolek, Rehistro, at Pidgin Ang sosyolingguwistikong pag-aaral ay nakatuon sa epekto ng lipunan sa paggamit ng wika na nagbabago dahil sa edad, kasarian, trabaho, pinag-aralan, antas ng pamumuhay, at iba pang aspeto ng buhay (Rubrico, 2012). Dagdag pa niya, itinuturing ng mga paham sa wika na isang sosyolek ang gay lingo dahil isa itong baryasyon sa wika na ang gumagamit ay nasa panlipunang pangkat ng mga bading. Makikita na napakalaki ng epekto ng kasarian sa pagbabago ng wika. Mapapansin din na ang gay lingo ay nagagamit upang maitago at bilang pamalit sa mga salitang hindi dapat banggitin sa lipunan (salitang taboo). Ang rehistro ng wika ay isang baryasyon sa wikang nagpapakita ng paggamit ng pormal at impormal na estilo na madalas na ginagamit sa isang larangan (Austero, et al., 2016). Batay sa isinagawang pag-aaral nina Barrameda, et al. (2010), at Bagood at Silvano (2018), inirekomenda na dapat pang galugarin at pag-aralan ang gay lingo na ginagamit ng baklang propesyonal at di-propesyonal. Ito nangangahulugang may pagbabago pa rin sa wika kung paano ito ginamit. Ang pidgin ay isang barayti ng wika na nilikha dahil sa pangangailangan ng pangkat ng mga tao (Rubrico, 2012). Batay sa kahulugan na ibinigay ay masasabing ang gay lingo ay isang wikang pidgin. Ito ay nilkha dahil sa pangangailan ng mga bading bilang panangga sa lumalalang diskriminasyon.

Ang Teoryang Eureka! at mga Likhang Wika Batay kay Boeree (2003), ang wika ay sadyang inimbento lamang ng ating mga ninuno at kanilang isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang gay lingo ay inimbento lamang upang mapunan ang pangangailangang panlipunan. Sa pagkakaimbento ng wikang ito ay namayapag sa kultura ang bandera ng bakla.

Ayon kay Adams (2011), ang pormal na pag-aaral sa mga inimbentong wika ay nakatuklas ng magandang resulta at nakahihikayat na makitang may sariling kakayahan ang mga ito ngunit magiging mapanganib kung iaangkop sa mga natural na wika na magbubunsod ng kalituhan lalo na sa paraan ng pag-unawa. Dagdag pa niya ay madalas na sa mga wikang inimbento mula sa mga sikat na akda ay walang pag-iingat sa mga detalye sa pagpapahayag ng saloobin, at pagwawalang bahala sa kultura at katapatan. Ayon pa kay Cheyne (2008), ang mga nilikhang wika ay makikitaan ng pagkakakilanlan sa mga wikang natural na nabuo batay sa isang tao o grupo ng mga tao na hindi matunton kung kailan nagsimula. Dagdag pa rito ay hindi tulad ng mga wikang natural na nagbabago sa pag-usad ng panahon, ang mga artipisyal na wika ay malayang binubuo sa takdang oras at layunin nito. Maraming katawagan ang ganitong uri ng wika tulad ng wikang pantulong, inimbentong wika, likhang wika, wikang piksyonal at iba pa na nabibilang sa grupo ng wikang tinatawag na wikang pilosopikal, artistikong wika, at wikang unibersal na umaayon bilang mga artipisyal na wika (Cheyne, 2008). Tunay na isang imbento ng wika lamang ang gay lingo sa lingguwistika ngunit ito ay may sariling kaangkinan na ginagamit ng isang pangkat ng mga tao para sa iisang layunin. Naging matagumpay ang pagkakabuo nito nang pasalita dahil kahit walang tuntunin na sinusunod ay nakukuhang magkaunawaan ng mga tao nag-uusap gamit ang gay lingo.

Ang mga Tayutay Ang metapora o pagwawangis ay isang uri ng tayutay na naghahambing ng dalawang bagay nang direkta o tuwiran. Tinawag na metapora ni Suguitan (2005) ang gay lingo dahil sa madalas nitong paghahambing nang tuwiran tulad na lamang ng mga salitang “nota” mula musika na ginawang panumbas para sa ari ng lalaki. Ang onomatopoeia o paghihimig ay mga salitang ginagamit na ibinabatay sa tunog na narinig. Madalas na ginagamit ang paghihimig sa gay lingo dahil sa malawakang paglikha ng mga tunog na wala namang kahulugan ngunit ang pinaririkit lamang nito ang pagkabigkas ng mga salita tulad na lamang ng mga panlaping -sung, -chikels, at -belles. Ang ilan pang halimbawa ay pak!, chukchak!, chorva!, chos!, at char!

Ang alusyon na may kinalaman sa pagtawag ng mga kilalang tao mula sa panitikan, relihiyon, pamamahayag, lipunan, at marami pang iba. Masasabing talamak din kung gumamit ng alusyon ang gay lingo dahil sa laksa-laksang pangalan ng mga sikat na tao o bagay ang ipinapampalit sa karaniwang salita tulad na lamang nina Gardo Versoza para sa salitang haggard, Alma Moreno para sa almuranas, Eva Kalaw para sa tae, at marami pang iba.

Pagbabagong Morpoponemiko Ang metatesis ay isang uri ng pagbabagong morpoponemiko na nagpapakita ng pagpapalit ng posisyon ng mga titik o pantig sa isang salita. Batay sa pag-aaral nina Bagood at Silvano (2018) at Bernales, et al. (2016), lumalabas na may mga salitang bahagi ng gay lingo ang dumaan sa proseso ng metatesis tulad na lamang ng salitang “anda” mula sa binaligtad na pantig ng daan o hundred sa wikang Ingles. Isa pang uri ng pagbabagong morpoponemiko ay ang pagkakaltas ng ponema. Ang pagkakaltas ng ponema ay nakatuon sa nawawalang mga ponema o pantig sa loob ng salita. Mabuting halimbawa dito ang katagang “wâ” na pinaikling wala.

Panghihiram at Halo-halong Lengguwahe Ang panghihiram ay isang hakbang sa paghahanap ng katapat ng salita mula sa isang wika (Almario, 2015). Isang patunay ang gay lingo na napakadalas manghiram ng mga salita sa ibang wikang katutubo at wikang banyaga. Batay sa isinagawang pag-aaral nina Casabal (2008), Lunzaga, et al. (2011), at Pascual (2016) na ang gay lingo ay ibinatay at malawakang humihiram sa Cebuano, Tagalog, Bisaya, Waray, Hiligaynon, Ingles, Kastila, Hapon, at iba pang wika. Ang ilan sa mga hiniram na salita ay “gurang” mula sa Bisaya na nangangahulugang matanda, “otoko” mula sa Hapon na may ibig sabihin na lalaki, “sight” mula sa Ingles para sa nakita. Isa mga dahilan ng panghihiram ay ang pagkukubli na umaayon sa rason kung bakit nabuo ang gay lingo. Batay kina Alba (2006) at Hernandez (2010) ay ang gay lingo ay nabuo upang maikubli ang pag-uusap o paksa ng usapan sa mga taong nakaririnig. Ginamit ang gay lingo upang tuluyang maitago ang tunay kahulugan at nang makaiwas sa panghuhusga mula sa mga taong nakapaligid.

Ang halo-halong wika ay ang paghahalo ng dalawa o higit pang wika sa mga pahayag, pangungusap, o salita. Code-mixing ay isang sitwasyong pangwika na may kinalaman sa paghahalo ng mga salita. Ang paraan na ito ay nagpapakita ng pag-iisa ng dalawang wika sa isang pangungusap. Kilala rin ito sa katawagang “konyo.” Pinatunayan ng pag-aaral ni Casabal (2008) na ang gay lingo ay nagpapakita ng codemixing dahil piling salita lamang mula sa gay lingo ang ginagamit at ang iba pang salita sa isang pahayag ay mula na sa isang wika.

Kaugnay na Literatura at Pag-aaral Bekified: Akademya, Midya, at Kultura Ang gay lingo ay isang wikang buhay na patuloy at mabilis magbago. Dahil sa tulin ng paglaganap nito, pati ang mga hindi homosekswal ay marunong na ring magsalita at kung hindi man ay umiintindi ng gay lingo (Suguitan, 2005). Dagdag pa rito, dahil sa pagkakalunod ng mga tao sa gay lingo bilang pang-araw-araw na wika sa komunikasyon ay hindi nila namamalayang kanila na itong ginagamit (Pascual, 2016). Pumasok ang gay lingo sa akademya bilang paksa sa mga sulating pampananaliksik at mga salitang lahok sa diksyunaryong ginawa ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ng Unibersidad ng Pilipinas (Barrameda, et al, 2010). Dagdag pa nina Barrameda, et al. (2010) ay naging patok din ang “Zsa Zsa Zaturnnah” na isang komiks ni Carlo Vergara na itinanghal nang musikal sa teatro at kalauna’y ginawang isang pelikula. Ayon naman kay Gianan (2008), ginamit din ang gay lingo sa pahayagang pampaaralan ng Polytechnic University of the Philippines. Kasabay ng modernisasyon at pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay kumalat din ang gay lingo. Pinasok ng wikang ito ang industriya ng showbiz kaya nabuo ang “showbiz slang” (Barrameda, et al, 2010). Bukod pa rito, ayon sa kanila ay inimpluwensyahan din ng gay lingo ang mga pahayagang tabloid na madalas na gumagamit ng wikang ito. Karagdagan pa ang pagsulpot ng gay lingo sa midya ay mula sa “Katok mga Misis” sa pangunguna ni Giovanni Calvo noong 1980 sa isang bahagi na “Word for the Day” (Barrameda, et al., 2010). Dagdag pa nila ay pinasok din ng gay lingo ang telebisyon noong 2004 sa programang “Out” na sinundan pa ng mga talk shows tulad ng “Startalk” na gumagamit ng blind item. Batay rin kina Barrameda, et al. (2010) ay nilooban din ng gay lingo ang radyo sa ilang FM Station,

ang internet sa paggamit ng blogs, forums, at websites, at ang pagteteks na tinangkilik sa nasa anyong nakatatawa. Sa pagiging marikit at malikhain sa pagbuo ng mga salita sa gay lingo ay naging makulay rin ito sa larangan ng panitikan ng kulturang Filipino. Kumalat din ang mga tula, maikling kuwento, dula, pelikula, at iba pa na tumatalakay at gumagamit ng gay lingo o sa kasarian (Pascual, 2018). Dahil sa makulay na kulay na wika, pinasok din ng mga bakla ang mga timpalak-kagandahan na laging may tatak sa kanilang mga kasabihan na gumagamit ng katutubong wika ngunit may pagbabago sa orihinal na kasabihan ayon kina Profeta at Nanalis (n.d.). Pumatok din sa mga Filipino ang mga awiting bayan na isinalin sa gay lingo (Casabal, 2008).

Kapederasyon: Gay Lingo sa Ibang Bansa Karagtig bansa ng Pilipinas sa Timog-Silangang Asya ang Indonesia. Tulad ng Pilipinas, may sariling wika ang mga bakla mula sa Indonesia na tinatawag na Bahasa binan o Bahasa béncong (Racoma, 2013). Bahasa ang wikang ginagamit ng bansang Indonesia na pinagkuhanan ng salita. Ang “binan” ay mula sa salitang “banci” na ginitlapian at kinaltasan na taglay ang kahulugang “lalaking nagbibihis babae.” Ang “béncong” naman ay isang likas na salitang Bahasa na nangangahulugang bakla o bading. Tulad ng gay lingo, ang Bahasa binan o Bahasa béncong ay nilalapian at kinakaltasan ng mga pantig o titik (Racoma, 2013). Sa Africa naman ay may tinatawag na gayle o gail na sosyolek ng mga bading sa siyudad o bayan. Ayon kay Racoma (2013), ang paggamit ng wikang ito ay pinaniniwalaang lumaganap sa kultura ng mga taga-South Africa noong 1950 sa pangunguna ng pangkata ng mga kabataang Cape Colored. Ang ilan sa mga salitang bahagi ng gayle ay hiram mula sa polari (Racoma, 2013). Ang polari naman ay isang sosyolek na wika ring ginagamit ng bading sa United Kingdom partikular ang mga manananghal at marinong mangangalakal (Racoma, 2013). Dagdag pa niya, ang mga tagapagsalita ng wikang Bantu ay may tinatawag na “IsiNgqumo” na wikang ginagamit ng bading sa Zimbabwe. Ang gay lingo ay hindi matatagpuan sa anumang legal na dokumento o sulatin at walang kapinuhan sa wika ngunit sa larangan ng lingguwistika ay nabuo ang “lingguwistikong lavender” na tumutukoy sa pag-aaral ng ganitong uri ng wika. Tuon nito ang paggamit sa araw-araw na komunikasyon ng mga wikang ginagamit sa

komunidad ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, asexual at iba pa na mas kilala sa LGBTQA+.

Bekinolohiya: Ang Paghihimay sa Estruktura ng Gay Lingo Ponolohiya ang tawag sa sangay ng lingguwistika na umaayon sa pag-aaral ng mga tunog sa isang wika. Ang gay lingo ay gumagamit ng mga palatandaang ponolohikal para makuha ang salitang ginamit (Alba, 2006). Dagdag pa ni Casabal (2008) na upang maunawaan ang mga pahayag sa gay lingo ay kadalasang kailangang pakinggan nang mabuti ang mga unang dalawang pantig ng salitang ginamit. Ang paggamit ng mga tunog sa pagpapakulay ng salita ay madalas din sa gay lingo tulad na lamang ng chenes-chenes, char-char, chu-chu, pak!, at paggamit ng mga panlaping walang kahulugan (Pascual, 2016). Ang morpolohiya ang isang sangay sa pag-aaral ng wika na nakatuon sa salita. Ang panghihiram, metatesis na pagbabaligtad ng pantig ng salita o pagbabaligtad ng mga lahat ng titik sa loob ng isang salita, paglalapi, substitusyon ng unang titik o pantig ng salita, pabubuo ng mga akronim, pag-uulit ng mga salita, pagkakaltas blending, paggamit ng mga sikat na pangalan ng tao, bagay, at lugar, paggamit ng tayutay partikular ang paghihimig at metapora, at ang halo-halong wika ay mga paraan sa pagbuo ng salita sa gay lingo na tinukoy nina Alba (2006), Bernales, et al. (2016), Lunzaga, et al. (2011), at Pascual (2016). Ang sintaksis ay ang pag-aaral ng ugnayan ng mga salita sa isang pangungusap. Batay sa isinigawang pag-aaral nina Casabal (2008), Lunzaga, et al. (2011), at Pascual (2016) ay ang pagkakabuo ng mga pangungusap sa may gay lingo ay umaayon sa paghahalo ng dalawang wika sa isang pangungusap o code-mixing. Dagdag naman nina Bagood at Silvano (2018) na mapapansin sa mga pangungusap na nasa gay lingo ay may pattern na sa ugnayan ng paksa-pandiwa, paksa-pandiwa-layon, pandiwa-paksa, paksa-pang-uri, pang-uri-paksa, at pang-abay-paksa-pang-uri. Semantika ay nakatuon sa pagsusuri sa kahulugan ng bawat salita. Batay sa pagsusuri nina Gianan (2008) at Pascual (2016), lumabas na karamihan o halos ng mga salita sa gay lingo ay iba o lihis sa nais ipakahulugan. Dagdag pa nila, nagbabago din ang kahulugan ng ilang salita depende kung paano at saang konteksto ito ginamit. Sa paggamit ng mga salitang katunog lamang o pangngalang pantangi sa gay lingo ay lihis agad sa kahulugang denotasyon. Ang gay lingo ay may malaking respeto

at nagtataas ng moral ng kababaihan batay sa mga salitang bahagi ng wikang ito na may kaugnayan at kinalaman sa mga babae (Suguitan, 2005). Ang ortograpiya ay ang tuntunin ang paraan ng pagbabaybay o pagsulat sa isang wika. Ang ortograpiya ng gay lingo ay lubhang mahirap sapagakat walang sinusunod na tuntunin pangwika kaya hindi makinis dahil sa kawalan ng konsistensi o kaisahan sa pagbabaybay (Casabal, 2008). Ang diksyonaryo na maaaring magamit bilang batayan ay hindi maaaring makapaglimbag dahil sa mabilis na magbago ang gay lingo (Suguitan, 2005). Kongklusyon Ang gay lingo ay isang sosyolek ng mga bading upang maging baluti sa diskriminasyong natatanggap mula sa lipunan. Tulad ng isang natural na wika, ito ay buhay at patuloy na nagbabago. Kakikitaan din ng baryasyon ang gay lingo tulad ng isang likas na wika. Taglay ng gay lingo ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga damdaming nais iparating ng mga bading. Sa taglay rin nitong kalayaan sa pagbuo ng marikit, malikot, malikhain, at kakaibang mga salita ay hindi nagiging maganda dahil nawawalan ng konsistensi o kaisahan sa pagbabaybay. Hindi nagiging mapino, makinis, at istandardisado ang gay lingo dahil sa kawalan ng mga tuntuning pangwika. Sa kabilang banda, ang gay lingo ang nagpatingkad sa kulturang Filipino sa larangan ng panitikan o maging sa mga timpalak-kagandahan.

Saklaw at Limitasyon Pagsusuri Sakop ng pamanahon papel na ito ang iba’t ibang sanggunian na magbibigay ng impormasyong makapagbibigay linaw sa usapin hinggil sa estruktura ng gay lingo. Ang isinagawang pagsusuri ay may kinamalan sa kasaysayan...


Similar Free PDFs